MATATAG Agenda, tugon ng DepEd sa mga problemang nakapalibot sa education system

MATATAG Agenda, tugon ng DepEd sa mga problemang nakapalibot sa education system

AMINADO si Vice President at Education Secretary Sara Duterte na kulang ang P678.3-B budget ng Department of Education (DepEd) upang tugunan ang mga problema na kinakaharap ng education system ng Pilipinas.

Dahil dito, hinikayat ng pangalawang pangulo ang mga pribadong sektor na tulungan ang pamahalaan na mapabuti ang basic education sa bansa.

Sa kaniyang mensahe sa Department of Education Partners Convergence sa National Museum nitong Huwebes, binigyang-diin ni VP Duterte ang halaga ng papel ng pribadong sektor upang mapaunlad ang basic education sa bansa.

Enero ng 2023 nang unang iprinisenta ng Department of Education ang kanilang MATATAG Agenda: Bansang Makabata, Batang Makabansa.

Ayon kay Vice President at Education Secretary Sara Duterte, dito idinetalye ng DepEd ang kanilang mga solusyon sa mga problemang nakapalibot sa basic education system ng Pilipinas sa mahabang panahon.

“There is no denying that many of these problems are deeply ingrained in our basic education system — and some are deeply rooted in the reprehensible culture of corruption searing through the future of our learners. The MATATAG Agenda hopes to stop the bleeding,” ayon kay VP Sara.

P678.3-B budget ng DepEd, kulang ayon kay VP Duterte

Pagbabahagi ni VP Duterte na patuloy ang pagsisikap ng kasalukuyang administrasyon na itaguyod ang basic education sa pamamagitan ng paglalaan dito ng malaking pondo.

Pero aminado si VP Duterte na kulang ang budget na natanggap ng DepEd sa 2023 General Appropriations Act para makamit ang kanilang adhikain para sa education sector.

“In the 2023 General Appropriations Act, the education sector received the highest budget with PHP895.2 billion. Out of this, the Department of Education received PHP678.3 billion for basic education.”

“However, these national budget allocations for basic education are not enough to cover all the requirements needed in achieving our MATATAG Agenda.” 

Private sectors, hinikayat ni VP Sara na makiisa sa gobyerno sa pagpapaunlad ng education system

Kaya naman sa kaniyang mensahe sa Department of Education Partners Convergence sa National Museum nitong Huwebes, binigyang diin ni Vice President Duterte ang halaga ng papel ng pribadong sektor upang mapaunlad ang basic education sa bansa.

Hinimok niya ang mga ito na makipagtulungan sa gobyerno sa kanilang adhikain na mapaunlad ang edukasyon sa bansa at pangalagaan ang kinabukasan ng mga kabataan.

“Let us give Filipino children a chance to compete on an equal playing field with the rest of the world. They are the future of our nation, and investing in their education today will bring great benefits to our country in years to come,” dagdag ni VP Sara.

Nagpahayag ang iba’t ibang private organizations, non-governmental organizations, civil society groups at international development partners ng kanilang suporta na palakasin ang MATATAG Agenda sa pamamagitan ng pagbibigay ng kaukulang tulong sa DepEd.

Kabilang dito ang mga hakbang upang mapabuti ang access sa edukasyon, pahusayin ang pagsasanay ng guro, palakasin ang kalusugan at nutrisyon, at isulong ang technology integration sa silid-aralan.

VP Duterte, nakatakdang bumisita sa Brunei Darussalam at Singapore ngayong Hunyo

Samantala, nakatakdang bumisita ni VP Duterte sa Brunei Darussalam at Singapore ngayong Hunyo bilang pangulo ng Southeast Asian Ministers of Education Organization (SEAMEO).

Umaasa ang pangalawang pangulo na matutunan ang pinakamahuhusay na gawi ng dalawang bansa sa larangan ng edukasyon at sa iba pang SEAMEO member countries.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter