PINAGPAPALIWANAG ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) ang Maynilad kaugnay sa malawakang water service interruption nito.
Isang high-level meeting ang isasagawa ng MWSS kasama ang Maynilad kaugnay sa ipinatupad na water interruption sa ilang bahagi ng Metro Manila at karatig lalawigan.
Magsisimula ito mamayang 10 am sa tanggapan ng MWSS sa Quezon City, upang pagpaliwanagin ang Maynilad ukol dito.
Kinumpirma ni MWSS Administrator Leonor Cleofas na wala silang natanggap na abiso mula sa Maynilad.
Kung kayat, nais aniya nilang malaman at maintindihan ang panig ng Maynilad kung bakit nagpatupad ito muli ng water interruption.
Sa panig ng MWSS, tiniyak naman nitong may sapat na suplay ng tubig sa Metro Manila ngayong tag-init hanggang katapusan ng taon sa kabila ng banta ng El Niño.
Pero, nauna nang sinabi ng Maynilad na ang inanunsiyo nitong daily water service interruption ay hakbang para masimulan na ang paghahanda sa paparating na El Niño.
Nabatid, araw ng Martes nang ipatupad ang daily water interruption sa mga lungsod ng Bacoor, Caloocan, Cavite, Imus, Kawit, Las Piñas, Makati, Malabon, Manila, Navotas, Noveleta, Parañaque, Rosario, Cavite, Pasay, Quezon City, at Valenzuela City.