NAGSALITA si Makati Mayor Abby Binay patungkol sa naging desisyon ng Korte Suprema kaugnay sa pinag-aagawan nilang lugar sa Taguig City.
Sa ngayon ay wala pang inilalabas na pahayag ang Taguig City government, pero matatandaan na nanawagan at sinabi ng Taguig sa isang pahayag na mahaba ang itinakbo ng kaso sa Taguig-Makati land dispute at anumang naging desisyon sa kaso ay dapat igalang.
Hindi susuko si Makati Mayor Abigail Binay sa kabila ng pinal na desisyon ng Korte Suprema, kung saan kinatigan ang Taguig City sa pagmamay-ari nito ng Bonifacio Global City Complex at 10 barangay sa ikalawang distrito ng Makati.
Sa isang video message, ipinahayag ni Binay ang kaniyang pagkabahala para sa kapakanan ng higit 300-K residente sa mga barangay ng Pembo, Comembo, Cembo, South Cembo, West Rembo, East Rembo, Pitogo, Rizal, Northside, at Southside.
Pinangangambahan ng alkalde ang mga serbisyo at benepisyong posibleng hindi na matatanggap ng mga residente mula sa lokal na pamahalaan.
“Ang isyu ay hindi tungkol sa pagsunod ng Makati sa nasabing desisyon. Ito ay hindi tungkol sa BGC at mas lalo nang hindi ito tungkol sa politika. Iisang bagay lang ang bumabahala sa akin: Ang kapakanan ng mga Makatizen sa 2nd District,” ayon kay Mayor Abigail Binay, Makati City.
Kabilang sa ipinag-aalala ni Binay ang libu-libong mag-aaral na aniya ay hindi na makakapagtapos sa kanilang pag-aaral at hindi na makakatanggap ng mga benepisyo at tulong-pinansiyal na tanging Makati lang ang nagbibigay.
Nababahala rin ang alkalde para sa mga residenteng libreng nakaka-avail ng health services ng lokal na pamahalaan at sa magiging kalagayan ng senior citizens.
“Para akong nawalan ng mga anak, magulang, lolo, at lola. Sila ang mga inaaruga at inaalagaan ko sa simula’t simula,” dagdag ni Binay.
Taguig, hindi kayang tapatan ang serbisyo at benepisyong ibinibigay ng Makati—Mayor Binay
Kung malaki aniya ang nakokolektang revenues ng Taguig mula sa BGC, bakit hindi nito natatapatan ani Binay ang mga serbisyo at benepisyo na ibinibigay ng Makati.
“Hindi lahat ng serbisyo at benepisyo na ibinigay ng Makati ay ibibigay o kayang tapatan ng Taguig maging sa dami o kalidad.”
“Ang sabi ng kanilang local government, malaki ang kinikita nila sa BGC ngunit bakit hindi nila ito ginagawa? Hindi ba dapat lang na maging bahagi ang mga taga-Taguig sa pagyaman ng Taguig?” ani Mayor Binay.
Dating Presidential Legal Adviser, may payo kay Mayor Binay
Sa kaniyang programang “Problema N’yo, Itawag kay Panelo,” may payo naman si dating Presidential Legal Adviser na si Atty. Salvador Panelo kay Binay.
“Kung sa tingin mo ‘yung Taguig mahihirapan for whatever reason, ba’t ‘di mo tulungan? Tuloy mo ‘yung ibinibigay mo. Eh maganda pa ang imaheng lalabas. Matulungin ka pa rin. ‘Di ba ang ganda nga eh. Unang-una budget mo na ‘yun. Andun na. Tapos biglang wala na pala ang jurisdiction mo, eh di ibibigay ko na lang. Sa iyo na iyan,” ayon kay Atty. Salvador Panelo, Dating Presidential Legal Adviser.
Matatandaang, hindi kinatigan ng Korte Suprema ang motion for reconsideration ng Makati para muling dinggin ang territorial dispute ng dalawang lungsod.
Sa desisyon ng Supreme Court Special Third Division, sinabi nitong walang sapat na dahilan para pagbigyan ang kahilingan ng Makati.
Pinasasalamatan ng Taguig ang pagbasura ng Korte Suprema sa motion for reconsideration ng Makati.
Tiniyak ng Taguig sa mga residente ng 10 Barangay na paninindigan nito ang parehong pangako at pangangalaga sa pamamahala sa kanilang mga komunidad at asahan ang serbisyong publiko.
“We assure you that Taguig is prepared to take on the responsibility of governing your communities with the same commitment and solicitude it has done with its 28 barangays. While there will be challenges, you can expect the responsive public service emanating from our vision to bring about a transformative, lively, and caring city,” pahayag ng Taguig City Government.
Hiniling naman ng Taguig sa Makati ang isang ‘coordinated’ at maayos na transition at makipagtulungan para sa benepisyo ng parehong lungsod.
“In this light, we extend our hand to Makati for a coordinated and orderly transition. Our differences in this legal case should not deter us from cooperating for our mutual benefit. We also call on all government agencies to initiate taking steps for a speedy and full transition,” ayon sa Taguig City Government.