TINAWAG na ‘prime mover’ ng Commission on Elections (COMELEC) ang mga kabataan para sa 2022 elections dahil nga karamihan sa mga boboto sa darating na halalan ay pawang mga nasa youth sector.
Batay sa datos ng COMELEC, aabot sa higit 65.7 milyong indibidwal ang boboto sa darating na eleksyon.
Sa nasabing bilang, 56.7% nito o higit kalahati ng botante sa bansa ay nasa pagitan ng edad 18 at 41.
Ayon kay COMELEC spokesperson James Jimenez, mas mataas ito sa inisyal na projection na 52%.
May kabuuang 37,015,901 na botante ang nasa ilalim ng age bracket.
Ang mga datos na ito ani Jimenez ay nagpapakita na ang kabataan ay may malaking papel sa pagpapasya sa kung sino ang magiging susunod na mga pinuno ng Pilipinas.
Aabot naman sa halos 12 milyong senior citizens na botante sa darating na Mayo 9.
Mas madami naman ang mga botante sa lugar ng CALABARZON na aabot sa higit 9.19 million na sinundan ng Metro Manila at Central Luzon.
Mahigit 17-M na mga balota na gagamitin para sa elections 2022, naimprenta na
Samantala, aabot na sa mahigit 17 milyong balota ang naimprenta mula noong Enero 20.
Ayon kay Jimenez, nasa 17,502,631 na balota ay mula sa target na 65,721,230 na balota ang naimprenta.
Nangangahulugan ito aniya na malaking porsyento ang kailangan pang trabahuin ng COMELEC.
Kabilang sa naunang naimprenta ang mga balota sa anim na rehiyon kabilang ang CARAGA, Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, Davao Region, SOCCKSARGEN at BARMM, gayundin sa overseas voting, local absentee voting.