TUMANGGAP ng ₱20-K tulong-pinansiyal ang mga apektadong rice retailer ng price ceiling sa bigas sa Pasay.
Tinatayang nasa 56 rice retailers mula sa lungsod ng Pasay ang pinagkalooban ng ayuda mula sa gobyerno araw ng Huwebes.
Dagdag puhunan para kay Emelita, Edgardo, at Teresita ang natanggap nilang tulong-pinansiyal mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Pasay LGU.
Kabilang sila sa 56 rice retailers na benepisyaryo ng rice subsidy sa lungsod na apektado ng implementasyon ng price ceiling sa ilalim ng Executive Order (EO) 39 ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.
Bukod sa 15,000 na subsidiya, binigyan din sila ng dagdag na P5,000 financial assistance mula sa Pasay City LGU, food packs at grocery package .
Ayon kay Pasay City Mayor Imelda “Emi” Calixto-Rubiano, dumaan sa mahigpit na screening ang mga benepisyaryo upang maiwasang maibigay sa mga hindi kwalipikadong rice retailers ang ipinagkaloob na ayuda ng national government.
Kabilang sa hinanap na requirements sa mga aplikante ng subsidiya ang pagkakaroon ng balidong Business Permit, katibayan o inventory ng pagbili ng regular at well-milled rice, mayroong aktuwal na bentahan ng bigas, at higit sa lahat pumasa sila sa balidasyon ng Rice Monitoring Team na aktuwal silang nagbebenta ng P41 at P45 kada kilong ng bigas.
Aminado rin ang Alkalde na nagkaroon din ng kaunting problema sa pag-realise ng ayuda sa mga benepisaryo dahil sa pagkakaroon ng maling spelling ng pangalan sa mga dokumento.
Ayon din sa Pasay LGU, isasama ang mga rice retailers sa Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) beneficiary na sasahod ng mahigit P6,000 para sa 10 araw na emergency employment at isasalang din sila sa livelihood at skills trainings.