PERSONAL na pinuntahan ni Sen. Christopher Bong Go kasama ang kaniyang mga kawani ang siyudad ng General Santos at probinsiya ng Tawi-Tawi sa bayan ng Bongao na parehong nakaranas ng insidente ng sunog.
Unang binisita ni Sen. Go ang mga biktima ng sunog sa bayan ng Bongao sa lalawigan ng Tawi-Tawi kung saan aabot sa halos 700 mga residente ang naging biktima ng sunog nitong Setyembre 26.
Ang mga biktima ng sunog ay nakatanggap ng food packs at maiinom na tubig na ginanap sa covered court sa Brgy. Pag-asa.
Mayroon din naman piling nakatanggap ng bisikleta, cellphone at bagong pares ng sapatos.
Samantala, isang grupo naman ng National Housing Authority (NHA) ang nagsagawa ng on-site assessment para sa pamilyang kwalipikadong makatanggap ng housing assistance upang muling makapagpatayo ng bahay na kanilang matitirhan.
“’Yung mga mag-qualify ay maaaring mabigyan ng National Housing Authority (NHA) ng ayuda pambili ng housing materials tulad ng pako, yero at iba pa upang maisaayos muli ang kanilang mga tirahan,” ayon kay Sen. Bong Go.
Bilang author at co-sponsor ng Republic Act No. 11589, o Bureau of Fire Protection (BFP) Modernization Act, binigyan-diin ni Sen. Go ang pagpapalakas ng kakayahan sa pagresponde ng mga bumbero sa anumang sakuna o insidente ng sunog sa pamamagitan ng pagbili ng makabagong kagamitan sa pag-apula ng sunog, pagpapalawak ng manpower at specialized training sa mga bumbero.
Kasunod nito ay personal ding binisita ni Sen. Go ang nasa 13 pamilya na tinupok ng apoy ang kabahayan sa siyudad ng General Santos nitong Setyembre 29.
Ang mga pamilyang nasalanta ng sunog ay nakatanggap ng pinansiyal na tulong, grocery packs, snacks, mga damit, at bola mula sa opisina ng senador.
Kaugnay rito, nagpaalala ang butihing senador sa publiko na magdasal at ipagdasal ang mga mahal sa buhay dahil ang pera ay maaring kitain basta magsipag lamang ngunit ang buhay na nawala ay hindi na maibabalik pa.
“Magdasal po tayo at ipagdasal po natin ‘yung mga mahal natin sa buhay. Ang gamit po ay nabibili. Ang pera po ay kikitain rin po natin, magsipag lang tayo. Subalit ‘yung perang kikitain ay hindi po nabibili ang buhay. Ang nawalang buhay po ay wala na. A lost life is a lost life forever,” ani Sen. Go.
Tiniyak naman ng senador na handa itong tumulong sa abot ng kaniyang makakaya kahit saang sulok ng Pilipinas.
“Kahit saang sulok kayo ng Pilipinas, tutulong ako sa abot ng aking makakaya. Iyan po ang aking ipinangako sa Pilipino. Hindi ko po matiis na nakaupo lang po sa opisina habang ang mga kababayan natin dito ay nangangailangan po ng tulong,” dagdag pa ni Sen. Go.
Bilang chairperson ng Kawani ng Pangkalusugan, hinikayat ni Go ang mga mamamayan na may sakit na bisitahin ang Malasakit Center sa Datu Halun Sakilan Memorial Hospital upang mabigyan ng libreng tulong-medikal.
Sa ngayon merong 159 Malasakit Centers sa buong Pilipinas na tumutulong sa 7-M Pilipinong mahihirap.
Sa huli tiniyak ni Go ang kapakanan ng mga mahihirap na kababayan at inihayag na palaging bukas ang kaniyang opisina para tumulong sa abot ng kaniyang makakaya para sa lahat ng mga kababayang nangangailangan ng kaniyang serbisyo.
“Tutulungan ‘ho kayo ng Malasakit Center at kung kailangan niyo po ng dagdag na tulong, lapitan niyo lang po ang aking opisina. Bukas po ang aking opisina para po sa inyong lahat. Nandirito lang po ako para magserbisyo sa inyo at tumulong sa abot ng aking makakaya,” saad ni Sen. Go.