Mga Brgy. Chairman na pabaya sa mga sagabal sa Mabuhay Lanes, kakasuhan ng DILG

Mga Brgy. Chairman na pabaya sa mga sagabal sa Mabuhay Lanes, kakasuhan ng DILG

KAKASUHAN ang mga barangay kapitan na magiging pabaya sa mga sagabal sa mga Mabuhay Lanes ayon sa Department of Interior and Local Government (DILG).

Posibleng masuspendi ang mga ito ayon sa DILG kung babalewalain ang paglilinis mula sa mga obstruction ang naturang mga alternatibong daan sa Metro Manila.

Simula January 16, mag-iikot ang mga monitoring team ng DILG sa mga Mabuhay Lane upang masiguro na ginagampanan ng mga kapitan ang kanilang mga responsibilidad sa mga nasabing kalsada.

Malaking tulong sana para kay Diego, isang delivery truck driver, ang Mabuhay Lanes upang maideliver niya sa tamang oras ang lahat ng mga padala tuwing may traffic sa EDSA.

Pero minsan aniya may mga pasaway na iligal na pumaparada sa nasabing kalsada kaya minsan nadedelay ang kaniyang mga delivery.

Hiling naman ng company driver na si Lenon na sana’y araw-arawin ang clearing operations sa Mabuhay Lanes upang hindi makaabala ang mga nagmamadaling motorista.

Aminado ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na limitado ang kanilang hanay para alisin ang mga sasakyan na iligal na nakaparada at mga sagabal sa Mabuhay Lanes at ibang lansangan sa Metro Manila.

Kaya paulit-ulit na lamang ang mga nasabing problema.

Paliwanag ng MMDA, kailangan ang kooperasyon ng mga barangay para tuluy-tuloy na maging maayos ang mga lansangan para sa mga motorista.

Ang Department of Interior and Local Government, sang-ayon dito kaya naman may tugon ang ahensya.

Kakasuhan ang mga kapitan ng barangay na magiging pabaya sa pagpapanatili ng kaayusan sa mga Mabuhay Lanes at iba pang kalsada ayon sa DILG.

Bahagi ang nasabing hakbang upang paigtingin ang clearing operations sa Mabuhay Lanes at iba pang lansangan sa Metro Manila.

Ayon kay Usec. Felicito “Chito” Valmocina, kinakailangan ng kamay na bakal upang maresolba ang paulit-ulit na problema sa illegal parking at obstruction.

Simula January 16, mag-iikot ang 14 na monitoring team ng ahensya upang tiyakin na ginagampanan ng mga barangay ang kanilang responsibilidad.

Bibigyan ng unang warning ang mga mahuhuling pabayang kapitan, ngunit sa ikalawang pagkakaton na sila ay mahuli ay hindi na sila sasantuhin ayon sa DILG.

Dahil dito, asahan daw ng mga motorista ang mas maayos na mga lansangan sa Metro Manila sa mga susunod na linggo.

Follow SMNI NEWS in Twitter