Mga bus company maglalaan ng karagdagang bus units—PITX

Mga bus company maglalaan ng karagdagang bus units—PITX

INAASAHANG dagsa ng mga pasahero ngayong Semana Santa, sa katunayan ay fully booked na ang karamihan sa mga biyahe ng bus sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX).

Sinabi ni Kolyn Calbasa, senior corporate affairs officer ng PITX, na Bicol trips ang pangunahing napupuno na, simula Abril 12–16.

Gayunman, para sa mga pasaherong humahabol makauwi ngayong Holy Week, ani Calbasa, puwede pa ring dumiretso sa terminal para mag-walk-in.

“Actually, ganito po, inaasahan po natin ito, dahil kabit-kabit po iyong mga holidays natin and then siyempre iyong mga iba pong mga magulang, ngayon pa lang po bibiyahe dahil graduation season din po ng kanilang mga anak,” ayon kay Kolyn Calbasa, Senior Corporate Affairs officer, PITX.

Binanggit din ng opisyal ng PITX na marami na ang naisyuhang special permit, partikular ang mga biyaheng papuntang Bicol Region, bunsod ng mas maagang pagkapuno ng mga booking.

Ayon kay Calbasa, magdadagdag ng bus units ang mga kompanya, lalo na kung dadagsa ang walk-in passengers simula Abril 14–16.

Inaasahan ding may dagdag na units hanggang sa pagbabalik ng mga pasahero sa Abril 23.

Maayos na kondisyon ng mga sasakyan at mga drayber, tiniyak ng PITX

Upang matiyak ang roadworthiness o maayos na kondisyon ng mga sasakyan, sinabi ni Calbasa na maaga pa lang ay nakipag-ugnayan na ang PITX sa Land Transportation Office (LTO) para sa inspeksiyon ng mga bus.

“Para po sa mga drivers natin, mayroon naman po tayong LTO that’s why nakipag-ugnayan po tayo sa LTO para ma-check po iyong mga buses nila para po sa long haul travel natin, hindi po sila maaabala. And siyempre iyong untoward incidents po natin, sana maiwasan,” ani Calbasa.

Dagdag pa ni Calbasa, may surprise drug tests din na isinasagawa upang masigurong nasa maayos na kondisyon ang mga drayber.

May paalala rin ang PITX sa lahat ng mga pasaherong maglalakbay.

“Paalala lang po sa ating mga pasahero natin na huwag nang magdadala ng sharp objects, flammable items and firearms. Kapag na-confiscate po iyan dito sa terminal, hindi na po natin makukuha dahil iti-turn over natin iyan sa PNP,” aniya.

Inaasahan ng PITX ang dagsa ng mahigit dalawang milyong pasahero na pauwi sa kani-kanilang mga probinsiya ngayong Holy Week.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble