NAIS ng mga lider ng Indigenous Peoples (IPs) sa Surigao del Sur na makasuhan at makulong si Umbid Sinzo, ang nahuli kamakailan na regional adviser ng communist terrorist group (CTG) na New People’s Army (NPA) sa Caraga Region.
Sa isang panayam, sinabi ni Datu Rico Maca, ang IP mandatory representative ng bayan ng San Miguel sa Surigao del Sur na kabilang si Sinzo sa utak ng mga paaralang lumad na suportado ng NPA sa Surigao del Sur at responsable sa pagre-recruit ng mga IP, lalo na ng ating mga kabataan para sumali sa kilusang komunista.
Agosto 9, 2024 nang nahuli ng Police Regional Office sa Caraga (PRO-13), Army’s 9th Special Forces Company, at Surigao del Sur Provincial Police Office si Sinzo sa isang operasyon sa Fourth State, Sucat, Parañaque.
Nagpapasalamat naman si Maca sa mga puwersa ng gobyerno na umaresto kay Sinzo na itinuturing niya na responsable sa ginagawang panlilinlang sa mga kabataan lalo na sa mga IP at sa pagsira ng kanilang kinabukasan.
Dagdag din ni Maca na nauugnay rin si Sinzo sa mga pagpatay at panggigipit ng NPA sa mga pinuno ng IP sa Surigao del Sur sa mga nakaraang taon.
Matatandaang si Sinzo ay mayroong standing arrest warrant para sa 4 na bilang ng pagpatay, 3 bilang ng tangkang pagpatay, at tig-2 bilang para sa mga kaso ng rebelyon, pagnanakaw, at grave coercion.