MARIING binalaan ng Department of Justice (DOJ) ang mga kasabwat o nagkakanlong sa wanted na sina dating Bureau of Corrections (BuCor) Director-General Gerald Bantag at dating BuCor Security Officer Ricardo Zulueta.
Paalala ng DOJ na sa ilalim ng batas ay mananagot ang sinuman na mapatutunayang nagtatago o tumutulong sa wanted person.
Inilabas ang babala matapos na nag-alok ng pabuya ang DOJ para sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon sa ikadarakip nina Bantag at Zulueta.
Ipinaliwanag ni Justice Secretary Crispin Remulla na ang P2-M reward money para sa impormasyong kinaroroonan ni Bantag, at ang P1-M naman sa magtuturo sa lokasyon ni Zulueta ay magmumula sa pondo ng pamahalaan.
May warrant of arrest sina Bantag at Zulueta para sa kasong pagpatay sa radio broadcaster na si Percy Lapid at sa bilanggo na umano’y middleman na si Cristito Villamor Palaña.