Mga kaso ng ilegal na droga sa San Jose del Monte Bulacan, target mapababa sa pagbubukas ng bagong korte sa lungsod

Mga kaso ng ilegal na droga sa San Jose del Monte Bulacan, target mapababa sa pagbubukas ng bagong korte sa lungsod

PAGKATAPOS ng matagal na panahon nang manalasa ang pandemya dulot ng COVID-19, natuloy na rin ang pagbubukas ng bagong opisina ng San Jose del Monte City, RTC Branch 120.

Para kay Presiding Judge Lyn Llamasares-Gonzales, malaking bagay aniya ang pagkakaroon ng sariling opisina at korte para sa malayang pag-aaral at pagbibigay ng kaukulang hatol sa mga krimeng kinasasangkutan ng mga indibidwal mula sa iba’t ibang uri ng kaso.

Aminado siya na naging hamon sa kanila ang kawalan ng sapat na espasyo para sa pagdinig at pag-aasikaso ng mga kaso nitong mga nakaraang taon.

Umaasa naman ang lokal na pamahalaan ng San Jose del Monte City na mas magiging epektibo ang trabaho ngayon ng lokal na hudikatura sa lugar sa tulong ng maayos na pasilidad at mga kagamitan.

Bukod sa pagsasaayos ng pasilidad ng judicial system ng lungsod, nakatakda rin ang pagpapatayo ng justice hall para gawing one-stop service ang mga programa nito para sa kanilang mga residente.

Pakiusap ng punong lungsod nito sa kanilang mga nasasakupan na umiwas sa mga elemento ng kriminalidad at ilegal na droga para maiwasang maharap sa kaso, makulong o di naman kaya ay maging kapalit nito ang buhay.

Sa ngayon, nasa mahigit dalawang libong iba’t ibang uri ng kaso ang inaaral ng nasabing korte kung saan mayorya rito ay problema sa paggamit, pagbibenta ng ilegal na droga at inaasahang mabilis itong mariresolba sa pakikipagtulungan ng lahat.

Nauna nang tiniyak ng mag-asawang Robes na sentro ng kanilang patuloy na pagsisikap na mapabuti ang buhay ng mamamayan nito sa kabila ng iba’t ibang hamong kinakaharap ng lungsod.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter