KAKARAMPOT lamang ang lumahok sa unang araw ng transport strike sa Metro Manila, umaga hanggang hapon ng Lunes.
Kaya hindi naparalisa ang transport system ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Batay naman sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), nasa 10% lamang ng mga ruta sa Kalakhang Maynila at 5% naman sa buong bansa ang apektado ng tigil-pasada.
Batay sa assessment ng MMDA, marami pa ring mga namasadang PUJ jeep driver sa Kalakhang Maynila sa gitna ng panawagan na tigil-pasada ng ilang transport group.
Ayon kay MMDA acting Chairman Atty. Romando Artes, kakarampot lamang kasi ang lumahok sa unang araw ng tigil-pasada ng ilang transport group.
Ayon sa LTFRB nasa 90% ng ruta ng mga tradisyunal na jeep ang may maayos na operasyon sa kabila ng transport strike.
Pagbabahagi ni LTFRB Technical Division Chief Joel Bolano, dalawang lugar lamang sa buong bansa ang nagpatupad ng tigil-pasada kabilang ang Metro Manila at Calabarzon.
Aniya, wala rin silang namonitor na mga naistranded na pasahero.
DOTr at LTFRB sa mga grupong nagtigil-pasada: Makipagdayalogo na lamang
Nanawagan naman si LTFRB Chair Teofilo Guadiz sa mga transport group na makipagdiyalogo na lamang sa pamahalaan.
Ganito rin ang panawagan ng DOTr na huwag na sanang ituloy ang tigil-pasada sa mga susunod na araw at bukas anila ang kanilang pintuan para makipagdiyalogo sa mga nasabing grupo kaugnay sa usapin ng jeepney modernization.
Muling paglilinaw naman ng DOTr at LTFRB na walang mangyayaring phase out sa mga traditional jeepney kundi ang pag-upgrade lamang ng mga ito.