NAGSIMULA nang makapamigay ang gobyerno ng tulong sa mga magsasaka na apektado ng El Niño sa ilang rehiyon sa bansa.
Ayon sa Presidential Communications Office (PCO), tuluy-tuloy na ginagawa ito ng pamahalaan.
Halos 4,000 magsasaka ang apektado ng dry spell sa Western Visayas at Zamboanga Peninsula.
Ito ang inihayag ni PCO Assistant Secretary Joey Villarama, na siya ring tagapagsalita ng Task Force El Niño.
Kaugnay rito, sinabi ng PCO official na patuloy na nagbibigay ng tulong ang pamahalaan sa mga magsasaka na apektado ng El Niño Phenomenon sa dalawang nabangit na rehiyon at iba pang lugar sa bansa.
Sa kabuuan, ani Villarama, 41 lalawigan na natukoy na apektado ng El Niño ang nakatatanggap na ng interbensiyon mula sa gobyerno.
Kabilang sa ibinibigay sa mga magsasaka ang binhi na ‘heat tolerant’, mayroon ding social protection, financial, aid at iba pa.
Bukod sa mga direktang interbensiyon para sa mga magsasaka, inaayos din ang irrigation canals pati ang mga kagamitan ng mga ito.
Mababatid na kasama sa mga problema na kinakaharap ng mga magsasaka ang pinsala sa agrikultura o kahirapan sa pagkuha ng tubig.
Ipinahayag pa ng opisyal ng PCO na karamihan sa mga lalawigang nakararanas ng tagtuyot ay nasa Luzon at nakatanggap na ng mga tulong mula sa National Irrigation Administration (NIA) at Department of Agriculture (DA).