Mga mangingisda mula Zambales, hirap makapangisda sa Scarborough Shoal sa ilalim ng Marcos admin

Mga mangingisda mula Zambales, hirap makapangisda sa Scarborough Shoal sa ilalim ng Marcos admin

NAGLABAS ng hinaing ang mangingisda mula Zambales sa administrasyong Marcos dahil hindi sila malayang nakakapangisda sa Scarborough Shoal.

Ang Scarborough Shoal, na kilala rin sa tawag na Bajo de Masinloc, ay isa sa mga pinakamayamang pangisdaan sa West Philippine Sea (WPS). Ang lugar kasi na ito ay nagtataglay ng iba’t ibang uri ng isda na mahalaga sa kabuhayan ng libu-libong mangingisdang Pilipino.

Ayon sa mga eksperto, ang Scarborough Shoal ay nagbibigay ng humigit-kumulang 20% ng kabuuang huli ng isda sa bansa.

Araw ng Lunes, Hunyo 17, 2024 sa Maisug rally sa Angeles City, Pampanga, lakas-loob na naglabas ng hinaing ang isa sa mga mangingisda mula Zambales sa kasalukuyang estado ng hanapbuhay ngayon sa Bajo de Masinloc.

Sabi ni Anthony Collado, sa ilalim ng pamumuno ni former President Rodrigo Roa Duterte ay buhay at malaya silang nakakapangisda sa naturang karagatan.

Pero, sa pag-upo ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ay tila hirap na silang pumalaot.

“Sa totoo lang itong huling Hunyo 13, inabog kami ng China, ayun habang papalapit ‘yung barko kinakabahan, dahil barko ‘yun ‘e kahoy lang kami. Simula nung umupo si BBM, sa totoo lang, naging ano kami kumbaga lagi na lang kaming sinisita ng mga barko, tinatabihan kami,” hinaing ni Anthony Collado, Mangingisda mula Zambales.

Ayon mismo sa mga mangingisda – sa ilalim ng administrasyong Duterte ay wala silang naramdamang tensiyon sa pagitan ng mga Tsino.

Kaya, panawagan ni Collado sa kasalukuyang administrasyon na tulungan silang maibalik sa dati ang estado ng kanilang pangingisda sa Bajo de Mansiloc.

Atty. Trixie sa mahal ng bilihin: Hindi magsasaka ang kumikita, mga barkada ng nakaupo sa gobyerno

Hindi mapagkakaila na hirap ngayon sa buhay ang milyun-milyong Pilipino. Wala na kasing humpay ang pagsirit ng presyo ng mga bilihin, kuryente, tubig, at iba pa.

Ito ang binigyang-diin ni Atty. Trixie Angeles-Cruz, dating Press Secretary ni Marcos Jr.

Ani Atty. Trixie, hindi ramdam ng mga nasa sektor ng agrikultura ang sinasabing pagmamahal ni Marcos sa mga magsasaka. Giit niya, hindi naman kasi kumikita ngayon ang mga magsasaka.

“Ito ang problema, alam ng gobyerno natin kung ano ang problema lalo na sa agrikultura, mahirap i-explain ito ha. Mura nilang bibilhin doon sa magsasaka, mahal nilang ibebenta sa atin. Sino ang kumikita? Ang tawag sa kanila, magnanakaw? Hindi. Ang tawag sa kanila barkada ng mga nakaupo,” ayon kay Atty. Trixie Angeles-Cruz.

Pinapatay aniya kasi ngayon ang mga magsasaka dahil sa talamak na importasyon ng administrasyong Marcos.

 “Sila ang kumikita, kumikita sila sa likod ng mga magsasaka at sa ating mga mamimili. Ito ‘yung problema, alam nila kung anong solusyon, alam nila kung ano ang kailangang gawin ng gobyerno para magmura ang pagkain. Tulungan nila ang magsasaka, bibigyan nila ng mga dryer, bibigyan ng mga warehouses, silos, mga cold storage. Alam nila ‘yung solusyon pero ginagawa ba nila? Ang bukod tanging sagot ng gobyernong ito sa pagmamahal ng pagkain ay mag-import. Ay ang galing! Ang talion,” dagdag pa nito.

Pero, hindi rito natatapos ang kalbaryo ng mga Pilipino, hindi lang kasi pagkain ang mahal. Maging ang bayarin sa tubig at kuryente ay sumabay na rin sa mahal ng bilihin. Bukod sa pagkain, tumaas na rin ang bayarin sa mga tubig at kuryente.

“So, mahal ang pagkain, ano pa ang mahal? Tubig. Paano tayo mabubuhay mahal na ang tubig. May ginagawa ba sila para maibsan ang pagmamahal ng tubig. Tumataginting ang katahimikan tungkol doon sa taas ng presyo ng tubig. Taon-taon sinasabi nila sa atin, magmamahal po kasi summer. Bakit kayo nagugulat ‘e taon-taon naman may summer,” hirit pa nito.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble