NASA 1 percent lamang ng mga nabakunahan kontra COVID-19 ang napaulat na nakaranas ng side effects.
Sa isang forum, sinabi ni Dr. Anna Ong-Lim, miyembro ng Technical Advisory Group ng Department of Health (DOH) na 47,897 side effects lamang ang naitala hanggang Hulyo 4.
Katumbas aniya ito ng 0.41 percent ng 11,708,029 doses na naiturok sa nasabing panahon.
Sa 47,897 reported side effects, 97.76% o 46,826 ay non-serious habang 2.23% o 1,071 ay itinuturing seryoso.
Sinabi ni Ong-Lim na karamihan sa mga napaulat na nakaranas ng side effects ay pagtaas ng blood pressure, sakit ng ulo, pananakit sa injection site, lagnat at pagkahilo.
Hanggang Hulyo 11, pumalo na sa mahigit 9.7 milyong indibidwal ang nakatanggap ng unang dose ng COVID-19 vaccine sa Pilipinas habang mahigit 3.5 milyong Filipino naman ang fully vaccinated na.
Pilipinas, naitala na ang pinakamaraming nabakunahan sa isang araw; target na daily vaccine rollout, malapit nang makamit
Naitala na ng bansa ang pinakamaraming nabakunahan kontra COVID-19.
Kahapon, Hulyo katorse, umabot sa 375, 000 ang nabakunahan sa buong bansa sa loob ng bente kwatro oras ayon kay Vaccine Czar Carlito Galvez Jr.
Dahil dito, malapit na umanong makamit ng Pilipinas ang target na 500,000 daily vaccination rollout.
Kaninang umaga, dumating na rin ang karagdagang 1 milyong dosis ng Sinovac vaccines mula China.