PARARANGALAN ng Department of Tourism (DOT) ang mga natatanging negosyo at indibidwal na may mahalagang ambag sa turismo sa muling paglulunsad ng Philippine Tourism Awards (PTA).
Ito ay sa layong mas mahikayat ang mga tourism stakeholders na itaas at mapanatili ang mataas na pamantayan ng tourism services.
Magiging katuwang ng DOT sa naturang paglulunsad ang Tourism Promotions Board.
Inilahad ito ni Tourism Sec Christina Garcia-Frasco sa ginanap na Philippine Tourism Industry Convergence Reception kamakailan.
“The PTA aims to recognize tourism-related establishments and individuals whose seasoned expertise and commitment have innovatively and creatively projected the Philippine culture and the Filipino brand,” pahayag ni Frasco.
Mahahati ani Frasco ang Philippine Tourism Awards sa limang kategorya kabilang ang Institutional Awards, Creative Awards, Individual Awards, Destination of the Year, at Special Awards.
Philippine Tourism Awards Category:
Institutional Awards
Creative Awards
Individual Awards
Destination of the Year
Special Awards
Ang mga nasabing kategorya ay mayroon pang sub-categories upang higit pang i-highlight ang magkakaibang mga kasanayan at destinasyon sa loob ng industriya.
Kikilalanin din ang best practices ng mga lokal na pamahalaan sa bansa upang higit pang hikayatin ang mga LGU na gamitin ang turismo bilang isang paraan upang pasiglahin ang lokal na ekonomiya.
“We also hope to motivate our tourism stakeholders to elevate and maintain the high standards of tourism services that we have to offer to our guests,” ayon kay Frasco.
Samantala, ilulunsad din ng Tourism Department ang Philippine Experience Program upang mapataas ang tourist arrivals sa bansa.
Itatampok sa nasabing programa ani Frasco ang kakaibang kultura at heritage ng bansa mula sa mga pagkain, festivals hanggang sa mga tradition.
“We will be launching the Philippine Experience Program to herald the uniqueness of our heritage and culture through the entire sphere of the traveler’s journey,” ani Frasco.
“The Philippine Experience Program will involve the development of immersive culture, heritage, and arts caravans aimed to diversify the cultural tourism product offerings of the country,” dagdag nito.
Sa ngayon, ipinagmamalaki ng DOT na nalagpasan nito ang target tourist arrivals para sa 2022 na umabot sa higit 1.77 milyon.