ANG Pangasinan ay isang potential investment hub sa Rehiyon Uno, ito ang ibinahagi ng pinuno ng Provincial Economic Development and Investment Promotion Office, Atty. Raymund Bautista sa exclusive interview ng SMNI News North Luzon.
Inilatag ni Atty. Bautista, kung bakit maganda para sa mga namumuhunan na mag-invest sa lalawigan ng Pangasinan.
Ani Bautista, malaki ang ambag ng probinsiya sa food production ng bansa.
“Unang-una kasi ang Region 1 ang food basket ng Region 1. So, dito nanggagaling ang 80% ng bangus sa buong Pilipinas and Region 1. Tayo ay may pinaka-malaking ambag sa food production. Number 3 tayo sa nagpo-produce sa entire Philippines ng bigas, and number 7 pagdating sa mais, nationwide. And number 1 in tilapia production nationwide din ‘yan,” pahayag ni Atty. Raymund Bautista, Provincial Economic Development and Investment Promotion Office.
Dahil diyan, sinabi ni Atty. Bautista na target ng lalawigan na maging investment hub ng Rehiyon Uno at maging lalawigan ng mas maraming oportunidad sa taong 2031.
Dahil sa pagiging sunny o maaraw na lalawigan, mas mainam aniya ito sa mga gustong mag-invest ng renewable energy tulad ng solar energy o maging ang nuclear energy.
Samantala, ang isa ngayon sa magiging malaking infra project ng lalawigan ay ang joint project ng provincial government at San Miguel Corporation ay ang 78-kilometer Pangasinan Link Expressway.
“Well the best infra development, infrastructure development na masasabi natin is ‘yung joint venture between the province of Pangasinan ang San Miguel Corporation, to put up the 78-kilometer na Pangasinan Link Expressway. So, ito ay mula sa Binalonan hanggan sa Alaminos, Pangasinan. It’s divided into two phases, Binalonan- Lingayen muna. Pero, meron itong apat na segments. And then ‘yung second phase is ‘yung Lingayen to Alaminos,” dagdag ni Bautista.
Dahil sa naturang proyekto, inaasahang mababawasan ang travel time papunta sa ibang mga bayan ng Pangasinan at bibilis ang transportasyon ng mga produkto.
Bukod diyan, malaking ambag din aniya sa ekonomiya ng lalawigan ang sektor ng turismo tulad ng Alaminos Hundred Islands at Giant Clams ng Bolinao at ganoon din ang agrikultura.
Aniya, nagsasagawa rin ang kaniyang opisina ng police recommendations upang mas mapabuti pa ang sektor ng ekonomiya sa lalawigan.
Bukas ngayon ang lalawigan ng Pangasinan sa mga interesadong investor na tiyak na makatutulong sa employment ng mga Pangasinense.
Sa ngayon, nasa higit dalawang taon pa lang ang Provincial Economic Development and Investment Promotion Office at patuloy ang kanilang ginagawang mga hakbang upang makatulong sa pag-unlad ng ekonomiya sa lalawigan.