Mga ospital sa Makati City, napupuno na sa COVID-19 patients

UMAPELA ang Makati City ng tulong sa nasyonal na pamahalaan dahil sa napupuno na ang mga ospital nito ng COVID-19 patients bunsod ng surge sa coronavirus infections.

Ayon kay Makati City Mayor Abby Binay, hindi na sapat ang mga inisyatibo ng lokal na pamahalaan at umaasa sila na matutulungan ng panahalaan pagdating sa mga isolation facility.

Dahil aniya ay maging ang mga national isolation at quarantine facilities ay puno na rin.

Ayon sa alkalde, naabot na ng ospital ng Makati at Makati Medical Center ang full capacity nito para sa COVID-19 cases noong mga nakaraang linggo.

Giit nito, kapos na rin ang medical staff nito dahil sa nahawa na rin sa COVID-19 ang ilan sa mga ito at may ilan na rin aniyang nurse applicants ang hindi nagpatuloy sa kanilang pag-a-aplay dahil sa takot sa virus.

Samantala, sinabi din nito na ang one-time financial assistance para sa 517,000 low-income residents nito ay ibibigay ng lokal na pamahalaan sa pamamagitan ng electronic transaction.

(BASAHIN: Bed capacity ng hospital, isolation facilities sa Maynila, red flag na)

Samantala, muling binuksan ng Department of Health (DOH) ang tatlong mega quarantine facilities sa Metro Manila matapos muling tumaas ang kaso ng COVID-19 sa bansa.

Ayon kay Health Secretary Maria Rosario Vergeire, muling binuksan ngayong buwan ang 97-bed Rizal Memorial Coliseum at 127-bed Ninoy Aquino Stadium.

Bubuksan naman aniya sa Lunes ang Quezon Institute Quarantine Facility na may 112 beds.

Ani Vergeire, dati nang isinara ang tatlong pasilidad matapos bumaba ang kaso ng sakit sa bansa.

Sinabi ng DOH official na maaring sa tatlong pasilidad na lamang i-momonitor ang mga nagpapagaling na pasyente upang makatulong sa pagpapaluwag sa mga ospital.

SMNI NEWS