NAPAGKALOOBAN ng lupa mula sa local government ang 9 na mga pamilyang naapektuhan ng pagguho ng lupa sa Benito Soliven, Isabela.
Pahayag ni Municipal Disaster Risk Reduction and Management Officer May Florence Abu, nabigyan na ng lupa sa relocation site ang mga pangunahing pamilya na totally damaged ang bahay matapos ang pagguho ng lupa sa lugar.
Ang ipinamahaging lupa ay matatagpuan din sa naturang barangay na may layong mahigit isang kilometro mula sa pinangyarihan ng pagguho.
Ayon kay Abu, ang ipinagkaloob na lupa sa kada pamilya ay may 100 square meters mula sa lokal na pamahalaan ng Benito Soliven at sa tulong na rin ng pamahalaang panlalawigan ng Isabela.
Para makapagsimula na ang 9 na pamilya sa pagtatayo ng kanilang bahay ay pinagkalooban din ang mga ito ng 500 hollowblocks at magtutuloy -tuloy pa ang pagdating ng tulong mula sa mga opisyal ng pamahalaan at pribadong sektor.
Maliban sa 9 na pamila ay may 12 pang pamilya ang malapit sa pinangyarihan ng insidente ang nilikas na ang kanilang tahanan ngunit tiniyak naman na mabibigyan din ang mga ito ng lupa mula sa pamahalaan.
Dagdag pa ni Abu, batay sa rekomendasyon ng Mines and Geo-sciences Bureau (MGB) kinakailangang mae-relocate ang lahat ng mga residente sa lugar ngunit nangangailangan ito ng malaking pondo na tinatrabaho na ngayon ng LGU.