PINAG-aaralan ngayon sa Senado ang mga panukalang batas laban sa fake news at disinformation sa social media, ngunit iginiit ni – na anumang batas na ipapasa’y hindi dapat lumabag sa karapatan ng malayang pamamahayag na nakasaad sa Saligang Batas.
Patuloy ang usapin sa Senado tungkol sa posibleng pagpapasa ng batas para labanan ang fake news at disinformation sa social media.
Pero ayon kay Senate President Escudero, anumang panukala’y hindi dapat lumabag sa karapatan ng mamamayan sa malayang pagpapahayag, na ginagarantiyahan ng Saligang Batas.
“Maliwanag sa Article III, Section 4 ng ating Konstitusyon na ‘No law shall be passed abridging the freedom of speech, expression, or of the press.’ Hindi dapat magpasa ng batas ang Kongreso na tataliwas dito,” wika ni Senate President Francis “Chiz” Escudero.
Dagdag pa niya, bagama’t seryoso ang epekto ng pagpapakalat ng fake news, hindi dapat magkaroon ng batas na maaaring maging hadlang o magbigay takot sa mamamayan para malaya nilang maipahayag ang kanilang mga opinyon o saloobin.
Binigyang-diin din ni Escudero ang pagkakaiba ng opinyon at pekeng balita.
“Ang opinyon ay walang tama o mali. Karapatan ng bawat isa na ipahayag ang kanilang nararamdaman at iniisip. Ngunit iba ang pagpapakalat ng kasinungalingan na ipinapasa bilang katotohanan. Dapat ay doon tayo magtuon ng pansin,” giit ni Escudero.
Ayon sa kaniya, ang pinakamagandang batayan sa pagsupil sa fake news ay truthfulness o katotohanan.
Mga senador, nanawagan ng mas mahigpit na parusa sa fake news
“Fake news ay may kapangyarihang sirain ang kabuhayan, reputasyon, at pagkakaisa ng bansa. Kapag ito ay sinadyang ikalat, nababawasan ang tiwala ng publiko at nalalason ang ating demokratikong proseso,” ayon naman kay Sen. Grace Poe.
Sinang-ayunan ito ni Villanueva at sinabing hindi sapat ang kasalukuyang Cybercrime Prevention Act para pigilan ang fake news.
“Dapat nang mapanagot hindi lang ang mga nagpapakalat ng maling impormasyon kundi pati ang mga nasa likod ng operasyon ng fake news,” saad ni Sen. Joel Villanueva.