Mga pasaherong pabalik sa NCR, dagsa na sa PITX

Mga pasaherong pabalik sa NCR, dagsa na sa PITX

NAGSISIMULA nang dumagsa sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) ang mga biyahero galing sa iba’t ibang probinsya gaya ng Batangas, Bicol, Laguna Baguio, matapos ang pagdiriwang ng Pasko at Bagong Taon.

Ayon sa PITX, nitong Enero 1 ay nagsimula nang dumating ang mga pasahero mula sa mga probinsiya kung saan nakapagtala ng higit 119,000 na foot traffic.

Sa tala ng PITX, umabot na sa higit 2.4 milyon ang naitalang foot traffic sa PITX simula Disyembre 15 hanggang sa unang araw ng 2024.

Inaasahan na magpe-peak ang bilang ng mga pasahero na luluwas pabalik ng Maynila ngayong Enero 2 kung saan aabot ito ng 170,000 hanggang 190,000.

Sa ngayon batay sa assessment ng PITX, naging maayos naman ang operasyon ng terminal at walang naitalang major challenges.

Dahil ito ani PITX sa kanilang kahandaan ilang araw bago magholiday season.

Nananatili pa ring mahigpit ang seguridad sa loob at labas ng terminal.

Tiniyak naman ang sapat na bilang ng mga bus para sa mga uuwi at aalis ng Metro Manila.

Serbisyong tapat, tiniyak ni Vice President Duterte sa 2024

Samantala, tiniyak naman ng Office of the Vice President (OVP) ang patuloy na pagiging tapat sa paglilingkod sa bayan ngayong 2024.

Sabi ni VP Sara Duterte na mananatiling malinaw ang kanilang pananaw sa kinabukasan na kung saan patuloy silang maghahatid ng serbisyong tapat.

Aniya, patuloy nilang paiigtingin ang kanilang hangarin para sa kapayapaan at kaginhawaan ng bawat pamilyang Pilipino at hindi kailanman sila magpadadaig sa anumang pagsubok na darating.

“Patuloy nating paiigtingin ang ating hangarin para sa kapayapaan at kaginhawaan ng bawat pamilyang Pilipino. Hindi kailanman tayo magpadadaig sa anumang pagsubok na darating,” saad ni Vice President Sara Duterte, Republic of the Philippines.

Hangad din ng pangalawang pangulo sa bawat isa ngayong bagong taon ang pagkakaroon ng panibagong pag-asa, lakas, at matibay na determinasyon na magsumikap at magkaisa para sa ikabubuti ng bawat Pilipino.

“Hangad ko na sa pagsapit ng bagong taon, ang bawat isa sa atin ay magkakaroon ng panibagong pag-asa, lakas, at matibay na determinasyon na magsumikap at magkaisa para sa ikabubuti ng bawat Pilipino,” aniya.

Follow SMNI NEWS on Twitter