Mga Pilipino sa LA pinag-iingat sa gitna ng protesta kontra immigration raids

Mga Pilipino sa LA pinag-iingat sa gitna ng protesta kontra immigration raids

SA gitna ng nagpapatuloy na tensiyon dulot ng malawakang kilos-protesta sa Los Angeles, California, kasunod ng mga isinagawang immigration raids ng U.S. authorities, nananawagan ang pamahalaang Pilipino sa mga kababayan sa Amerika na mag-ingat, umiwas sa mga demonstrasyon, at sumunod sa ipinatutupad na curfew sa lungsod.

Naglabas ng paalala ang Philippine Consulate General sa Los Angeles para sa kaligtasan ng mga Pilipino. Pinayuhan ang mga kababayan na iwasan ang matataong lugar at mga kilos-protesta, at sumunod sa itinakdang curfew—lalo na sa downtown LA—na ipinatutupad mula 8PM–6AM.

Hinikayat din silang manatiling alerto at tumutok sa mga ulat mula sa lokal na awtoridad at media.

Mula pa noong Hunyo 6, umigting ang serye ng kilos-protesta sa lungsod matapos ang mga pagsalakay ng Immigration and Customs Enforcement (ICE) laban sa undocumented immigrants. Ang mga lugar tulad ng Westlake at Fashion District ang naging sentro ng mga insidente.

Nagtipon ang mga nagpoprotesta upang kondenahin ang umano’y marahas at biglaang mga raid. Lalong tumindi ang tensiyon nang magpadala si Pangulong Donald Trump ng mahigit dalawang libong national guard at 700 sundalong marines upang tiyakin ang seguridad sa mga pederal na gusali.

Patuloy na mino-monitor ng pamahalaan ang sitwasyon. Samantala, hinihikayat ang mga Pilipino sa lugar na manatiling kalmado, umiwas sa gulo, at agad makipag-ugnayan sa konsulado kung kailangan ng tulong.

Nananatiling bukas ang Philippine Consulate upang tumugon sa anumang pangangailangan ng mga Pilipino sa gitna ng kaguluhan.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble