Mga pinauwing UPOR sa border control point ng Cainta-Marikina, mahigit 100 na

Mga pinauwing UPOR sa border control point ng Cainta-Marikina, mahigit 100 na

UMABOT sa mahigit 100 na mga Unauthorized Persons Outside Residence (UPOR) ang pinabalik ng mga pulis sa border control ng Cainta-Marikina.

Sa kabila ng pagbabawal ng Inter Agency Task Force (IATF) sa mga Unauthorized Persons Outside Residence (UPOR) ay marami pa rin lumalabas habang abala ang ibang mga kapulisan sa pagbabantay sa mga border control.

Sa sitwasyon na  naabutan ng team ng SMNI News kanina alas 7:00 ng umaga sa border control point ng Cainta-Marikina ay siksikan ang mga motorista at mahaba ang pila ng mga sasakyan.

Sinusuri ng mabuti ng mga kapulisan kung may mga dokumento bang dala ang bawat papasok sa loob ng Metro Manila na nagpapatunay na sila ay APOR.

‘’Sa ngayon po medyo mahigpit tayo chini-check natin yung mga daan, chini-check yung mga ID nila kung APOR ba sila or allowed ba sila na dumaan dito sa highway natin,’’ ayon kay PLt. Aldrick Renz A. Manzano, Team Leader, Cainta-Marikina Border Control.

Nabawasan ang mga bus at mga jeep na bumabyahe mula Cainta papasok ng Kamaynilaan, sa muling pagbabalik ng pinakamahigpit na quarantine classification.

‘’Masasabi ko na nabawasan ang mga bus natin siguro nasa 50% ang naibawas sa bumabyahe mangilan-ngilan nalang ang nakikita ko sa ngayon na bus na dumadaan. Sa jeep naman nabawasan sya ng kunti mga 30% ang bumabyahe ngayon. Marami rin ang pinauwi papatak na ng halos 100 plus siguro yung mga napapabalik natin simula nung nag take post ako kagabi,’’dagdag nito.

Mayroong 16 na mga pulis ang nagbabantay ngayon sa border control ng Cainta-Marikina.

SMNI NEWS