ISA-isa nang nagpahayag ng pagkadismaya ang ilang senador sa ginawang pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte. Mula sa mga matagal nang kaalyado hanggang sa mga dati niyang katrabaho sa gobyerno, iisa lang ang kanilang panawagan—hustisya at patas na proseso para kay dating Pangulong Duterte.
Si Senadora Imee Marcos, nakatatandang kapatid ni Pangulong Bongbong Marcos, ay sinadyang hindi dumalo sa campaign sortie ng Alyansa ng Bagong Pilipinas sa Tacloban City noong Huwebes.
Sa kaniyang social media post, mariin niyang tinutulan ang ginawang pag-aresto sa dating Pangulo.
Samantala, si Sen. Alan Peter Cayetano ay sumalang sa isang panayam ng media kung saan ipinagtanggol niya si Duterte, na kaniyang naging running mate noong 2016 elections.
“The Philippine Constitution now is a reaction to Martial Law. That there were different kinds of arrest orders. Kaya nga if you look at the Philippine Constitution, except for a few exceptions, a warrant of arrest has to come from court. From a Philippine court. Hindi pwedeng hindi Philippine court. We did not do that to Duterte kasi nga nagmadali,” pahayag ni Sen. Alan Peter Cayetano.
Ang pamilyang Villar naman ay hayagang nagpakita ng suporta sa kanilang matalik na kaibigan na si dating Pangulong Duterte.
Sa kaniyang eksklusibong mensahe sa SMNI, sinabi ni Sen. Cynthia Villar na hindi siya sang-ayon na ibigay ang dating Pangulo sa banyaga.
“I don’t agree. We don’t give our former President to the foreigner,” ayon naman kay Sen. Cynthia Villar.
Si dating Senate President Manny Villar ay labis na nasaktan sa nangyari. Inakala niyang mabibigyan pa ng pagkakataon si Duterte na maipagtanggol ang sarili sa ating sariling korte.
“It was my hope that former President Rodrigo Duterte would have the opportunity to defend himself in our courts under the protection of our country’s rule of law…. That is why it was painful to see a very good friend, a former President who dedicated himself to public service, a Filipino citizen, being taken and charged by a foreign entity,” pahayag ni Manny Villar, Former Senate President.
Si Sen. Mark Villar, dating kalihim ng DPWH sa ilalim ng Duterte administration, ay umaasa namang nasa mabuting kalagayan ang kaniyang dating boss. Hiniling din niya na tratuhin nang may patas si Duterte.
“Mr. President, I hope that you are in good health and being treated well. I’m sad that your simple wish to be judged by the Filipino people did not reach fruition. I continue to pray that you will be given the fairness and compassion that all Filipinos deserve,” pahayag naman ni Sen. Mark Villar.
Sinariwa rin ng Senador ang pinakamagandang alaala niya kay Duterte—ang pagiging isang lider na may malasakit sa maliliit.
Aniya, personal na hiniling ng dating Pangulo na mahanapan ng trabaho sa construction ang ama ng isang batang may cancer.
Samantala, si Sen. Juan Miguel Zubiri ay inalala naman ang mga malalaking proyekto at makabuluhang reporma na naipatupad ni dating Pangulong Duterte, lalo na sa Mindanao.
“Kayo bago magsalita bumisita muna dito sa amin at makita ninyo ang mga 4 to 8 lane highways sa halos lahat ng mga probinsya dito pati mga sea ports and airports katulad dito sa amin sa Bukidnon na nagsimula nung panahon ni former President Rudy Duterte with all due respect. Grabe sa dami ang lokal businesses na itinatayo sa lahat ng sulok ng isla from micro to small and medium enterprises. ‘Wag din natin kalimutan ang peace process na nag-umpisa at nagwagi noong nakaraang administrasyon dahil sa political will and follow through,” pahayag naman ni Sen. Juan Miguel Zubiri.