APRUB sa ilang senador ang posibleng hakbang ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na pagaanin ang face mask restriction sa mga indoor areas.
Sa isang pahayag na nilabas sa media sinabi ni Senadora Grace Poe na malaking tulong ito upang manumbalik ang sigla ng ekonomiya ng bansa.
“Loosening the mask mandate and regulations on the entry of tourists will help generate economic activities, foremost among them is providing jobs to our people,” pahayag ni Senadora Poe.
Sa pagpapagaan aniya ng face mask restrictions ay sigurado itong hihikayat ng mas maraming turista na pumasok sa bansa na magbibigay naman ng trabaho sa ating mga kababayan.
Giit ni Poe na ang World Health Organization (WHO) mismo sa nakaraang buwan ang nagsabi na natatanaw na nito ang katapusan ng pandemya.
Pero sa kabila nito ay di pa rin nawawala ang COVID-19 sa eksena.
“It would all do us well to continue adhering to the minimum health protocols of frequent hand washing and maintaining good hygiene,” ayon kay Poe.
Kaya payo ni Poe ay ugaliin pa rin ang pagsusunod sa minimum health protocols lalo na ang paghuhugas ng kamay.
Ang pahayag ni Poe ay suportado rin ni Senador Bong Go.
“I welcome measures that are geared towards renormalizing our life amid the pandemic, such as the announcement on voluntary wearing of masks indoors provided that clear and specific guidelines are set to still ensure the safety of every Filipino,” pahayag ni Sen. Bong Go.
Ani Go bukas siya sa nasabing posibleng hakbang ng gobyerno na ang layunin ay maibalik sa normal ang ating pamumuhay.
Pero ipinunto niya na dapat ay may malinaw itong guidelines o panuntunan mula sa Kagawaran ng Kalusugan upang masiguro na ligtas ang mga Pilipino.
“Bukod sa sariling pag-iingat, proteksyunan din natin ang ating mga kasamang mahihina ang resistensya, sakitin, hindi pa bakunado, may mga kasama sa bahay na mga immunocompromised, at mga matatanda na mas delikadong mahawahan ng sakit. Hindi natin alam kung sino ang pwedeng makahawa o mahawahan sa ating komunidad o pag-uwi natin sa ating mga sariling bahay,” ayon kay Go.
Paalala rin ni Go, Chairman ng Senate Committee on Health, na bukod sa sariling pag-iingat ay dapat proteksyunan din ang mga may mahihinang resistensya, sakitin, hindi pa bakunado, may mga kasama sa bahay na mga immunocompromised, at mga matatanda na mas delikadong mahawahan ng sakit.
Nais din ni Go na bilisan ng pamahalaan ang mga ginagawang pagbabakuna sa ating mga kababayan.
Bukod kay Poe at Go ay naghayag din ng pagsang-ayon dito si Senate Minority leader Aquilino Koko Pimentel III.
Sa isang pahayag ay sinabi ni Pimentel na dapat matuto nang mamuhay ang mga Pilipino kasama ang COVID virus.
“Agree naman po ako diyan. It’s time to learn to live with the virus,” ayon kay Senator Pimentel.
Ang pahayag ng mga senador ay kasunod ng anunsyo ni Tourism Secretary Christina Garcia-Frasco na nakatakda nang maglabas ng executive order ang Pangulo na gawing voluntary o optional ang pagsusuot ng face mask sa mga indoor areas.