Mga sundalo sa Ayungin Shoal, ‘di nagpatinag at muling nagpatrolya sa WPS

Mga sundalo sa Ayungin Shoal, ‘di nagpatinag at muling nagpatrolya sa WPS

BALIK na muli sa normal ang pagpapatrolya ng mga sundalo ng Pilipinas sa palibot sa West Philippine Sea (WPS) kasama na rito ang bahagi ng Ayungin Shoal.

Kamakailan lang ay naging sentro ng kontrobersiya na kinasasangkutan ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) at Chinese Coast Guard (CCG).

Ito’y matapos ang mainit na diskusyon sa pagitan ng Pilipinas at China kasunod ng ginawang paggamit ng green laser ng Chinese Coast Guard sa isang barko ng PCG sa bahagi ng Ayungin Shoal nitong February 6, 2023.

Sa panayam ng SMNI News sa tagapagsalita ng Navy Western Command Commander Ariel Coloma, sinabi nitong nasa mabuting kalagayan naman na ang mga sundalo ngayon mula sa nasabing tensiyon sa WPS.

Sa katunayan, patuloy rin ang paghahatid ng suplay ng mga barko ng Pilipinas sa mga sundalong nakabase sa Ayungin.

“‘Yung ating mga tropa ngayon sa Ayungin ay nasa mabuting kalagayan naman at saka ‘yung rotation at reprovisioning mission sa Ayungin was successfully carried out naman po and aside from the reported laser incident involving ‘yung ating Philippine Coast Guard at Chinese Coast Guard vessel, ‘yung ating Western Command po has received no other reports of any similar incidents involving our Philippine Navy ships sa area and other foreign vessels,” ani Cdr. Ariel Coloma, Spokesperson, WesCom.

Mula rito tiniyak ng Philippine Navy at PCG na walang dapat ipag-aalala ang publiko kasabay ng pangako na hindi nila hahayaan na muling maagrabyado ang mga sundalo ng bansa.

Giit pa ni Coloma, sinusundan lamang nila ang mandato rin ng pamahalaan na wala itong aatrasan at ipagtatanggol ang sobereniya ng Pilipinas.

“Totoo po ‘yan sir, asahan niyo po ang ating mga Armed Forces of the Philippines at ang ating Western Command na kasapi ng ating Sandatahang Lakas, patuloy pong ipagtatanggol ang ating teritoryo at i-uphold ang ating sobereniya dito sa parte ng ating bansa dito sa West Philippine Sea at saka sa western frontier ‘ika nga,” dagdag ni Coloma.

Sa huli, naniniwala pa rin ang opisyal na sa anumang problemang kakaharapin ng bansa lalo na sa usapin ng teritoryo at diplomasya, mas mainam pa rin aniya ang may maayos na pagkakaintindihan para maiwasan ang anumang gulo.

“Kahit sino naman po ay inaasahan po na everything will be, will turn out fine, sa ating pagpapatupad ng ating batas at saka pagpoprotekta natin sa ting teritoryo dito sa West Philippine Sea. Huwag pong mangamba ang ating mga kababayan, patuloy po ang ating Sandatahang Lakas lalo na ang Western Command na nagpapatrolya at round the clock ‘ika nga, umaga, gabi na nagpapatrolya dito sa ating karagatan dito sa West Philippine Sea,” aniya.

Follow SMNI NEWS in Twitter