Mga sundalong N. Korean mas pinipiling mamatay kung mahuhuli ng kalaban

Mga sundalong N. Korean mas pinipiling mamatay kung mahuhuli ng kalaban

IBINUNYAG ng isang dating sundalo ng North Korea na mas mainam na lang na mamatay ang isang sundalo nila kung mahuhuli ito ng Ukraine habang nakikipaglaban para sa Russia.

Sa paliwanag ng naturang North Korean sa panayam ng isang international broadcast media, malaking kahihiyan aniya para sa kanila ang mahuli ng kalaban.
Ang malala pa, papatawan ng parusang kamatayan ang pamilya ng nahuling sundalong North Korean, lalo na kung magbibigay ito ng mahahalagang impormasyon sa kalaban.

Tinatayang nasa 12,000 North Korean soldiers ang kasalukuyang nasa Russia upang tulungan sila sa laban kontra Ukraine.

Mababatid na magkaalyado ang Russia at North Korea, at sa katunayan ay nagbibigay pa ang Pyongyang sa Moscow ng mga armas.

Samantala, inilantad ito ng naturang dating sundalo upang bigyang-diin ang pagiging malupit ng North Korea sa mga kapwa niyang sundalong ipinapadala sa mga digmaan sa ibang bansa.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter