AABOT sa 945 na mga residente ang inilikas ng 62 Infantry Battalion, AFP Visayas Command sa ilang barangay sa Canlaon City, Bago City, Pontevedra, San Carlos City, La Carlota City at La Castellana sa Negros Occidental.
Kasunod ito ng pag-aalburuto ng Bulkang Kanlaon sa Negros Island.
Ayon sa AFP, mas pinaigting pa ng kanilang tauhan partikular na sa Visayas Command ang kanilang ginagawang mga hakbang sa pagbabantay sa aktibidad ng bulkan.
Ayon kay VisCom Chief, LtGen. Fernando Reyeg, mahigpit ang ugnayan ng kanilang mga tauhan sa iba’t ibang Local Disaster Risk Reduction and Management Council (DRRMC) sa Western Visayas para tiyakin ang mabilis na pagresponde.
Maliban dito, sinabi ni Reyeg na may naka-standby pa silang 464 na mga tauhan para magsilbing humanitarian assistance and disaster response teams sa Western Visayas.
Minomonitor din ng mga sundalo katuwang ang lokal na pulisya at DRRMO ang mga bayang sakop ng 4 kilometer – radius permanent danger zone.