MMDA at DENR-NCR, naglagda ng kasunduan para sa Pasig River rehab

MMDA at DENR-NCR, naglagda ng kasunduan para sa Pasig River rehab

LUMAGDA sa isang Memorandum of Agreement (MOA) ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at Department of Environment and Natural Resources–National Capital Region (DENR-NCR) ngayong Biyernes para mas palakasin ang kanilang pagtutulungan sa rehabilitasyon ng Pasig River at mga kalapit na lugar.

Layon ng kasunduan na palakasin ang pagtutulungan ng dalawang ahensiya sa pamamagitan ng mga environmental education at public awareness campaign, para maisulong ang malinis na kapaligiran, sustainable transport, at urban renewal.

Saklaw ng MOA ang ilang programang isasagawa ng MMDA at DENR-NCR tulad ng Dalaw Turo at Pasig River Educational Tours, na layong hikayatin ang publiko na gamitin ang Pasig River Ferry Service bilang alternatibong transportasyon.

Itinatampok din nito ang layunin na pataasin ang kamalayan sa patuloy na rehabilitasyon ng Pasig River at himukin ang partisipasyon ng iba’t ibang sektor.

Ayon kay MMDA Chairman Atty. Don Artes, na inilahad sa isang pahayag ni Deputy Chairman Frisco San Juan Jr., napapanahon ang kasunduang ito para tuluyang maibalik ang dating ganda ng ilog.

Dagdag pa ni San Juan, patuloy ang hakbang ng MMDA para ayusin at palawakin ang ferry service. Noong 2024, umabot na sa halos 200,000 pasahero ang gumamit ng Pasig River Ferry—patunay na lumalakas ang suporta sa nag-iisang water-based public transport sa Metro Manila.

Para naman kay Erlinda Daquigan, OIC Assistant Regional Director ng DENR-NCR, malaking hakbang ang kasunduan para maibalik ang sigla ng Pasig River at maisulong ang mas malinis at maayos na transportasyon sa lungsod.

Sabi pa niya, ang mga proyekto tulad ng educational tours at clean-up drives ay makatutulong para mas marami ang maengganyong makibahagi sa pag-aalaga at pagsasaayos ng ilog.

Kasama rin sa MOA ang pagtutok sa Manila Bay at sa pangkalahatang kalikasan at likas-yaman sa NCR, alinsunod sa mandato ng dalawang ahensiya.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble