ININSPEKSYON ni Metro Manila Development Authority (MMDA) Chairman Benhur Abalos ang desilting operations na isinagawa sa bahagi ng Parañaque River sa Marina Complex, Macapagal Blvd.
Inihayag ng pamunuan ng MMDA na bumuo sila ng team para tanggalin ang tambak-tambak na basura sa bahagi ng Parañaque River.
Ayon kay MMDA Chairman Benhur Abalos, bahagi ito ng flood control program ng ahensiya.
Binigyang diin ni Abalos na dapat matanggal at maiwasan ang pangunahing tatlong bagay sa naturang ilog.
Kabilang na rito ang makapal na basura, ang isang bahay na itinayo na rito at maiwasan na lumiit ang daluyan ng ilog.
Pursigido naman ang MMDA na talagang matanggal ang ika nga’y “basura island” kaya sinimulan na nila ang pagtatanggal ng mga basura sa naturang lugar.
Ani Abalos, kasama ito sa mga bagay na dapat baguhin para makamit ang tunay na kagandahan ng buong Metro Manila.
Nasa 26,000 cubic meters na basura ang kailangang tanggalin sa bahagi na ito ng ilog at aminado ang team na may kahirapan ang proseso sa pagtatanggal lalo’t mahirap din ang disposal nito.
Tinataya namang nasa tatlo hanggang apat na buwan ang tagal ng pagtatanggal ng makakapal na basura sa bahagi na ito ng Parañaque River.
Samantala, doon naman sa nagtayo ng shanty sa binansagang basura island, ay nakipag-ugnayan na ang ahensiya sa tanggapan ng punong barangay para alisin na ito sa lugar.
Sinasabing ang mga nagtatayo ng bahay sa tinatawag na ‘basura island’ ay isa sa naging contributor ng basura sa Manila Bay na nagdudulot ng masangsang na amoy sa paligid partikular sa komunidad ng Marina Complex.
Sinabi pa ni Jackson Kho, presidente ng United Asia World, na base sa karanasan, kapag malakas naman ang ulan, ay mas lalong kumakalat ang mga basura sa ilog.
MMDA, muling nanawagan sa publiko na tigilan na ang iligal na pagtatambak ng mga basura sa ilog
Kaugnay nito, nanawagan muli si Abalos sa publiko na tigilan na nag iligal na pagtambak ng maraming basura.
Umapela din ang MMDA chair na agad i-report sa MMDA kung may namumuong makakapal na mga basura sa kanilang lugar na kailangang tanggalin at i-report din ang mga nagtatapon ng basura sa ilog.
Sa flood control program naman sa iba pang lugar sa Metro Manila, sinabi ni Abalos na naging maayos ang pangangasiwa ng ahensiya rito.
Sa katunayan, nakipag-ugnayan din ang MMDA sa Department of Public Works and Highways (DPWH) para rito.