‘BARADO at mabahong estero’, tinutugunan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa pamamagitan ng programang ‘Bayanihan sa Estero’.
Inilunsad ito ng Flood Control and Sewerage Management Office ng MMDA noong Mayo 27 sa Lungsod ng Las Piñas, na may temang “Estero ay alagaan, bayan ay protektahan,” bilang tugon sa problema sa basura at pagbaha.
Layunin ng programang ito na linisin ang mga estero at daluyan ng tubig para maiwasan ang pagbaha at mapanatili ang kalinisan at kalusugan ng komunidad.
Sinimulan ng mga kawani ng MMDA ang paglilinis sa Balihatar Creek at sa Phase 9 Gatchalian Subdivision, Barangay Manuyo Dos.
Gamit ang mga heavy equipment tulad ng backhoe, isinagawa ang puspusang dredging, declogging, at paghahakot ng basura para masigurong maayos ang daloy ng tubig.
Ayon sa MMDA, ang malinis na estero ay mahalaga hindi lamang para sa kapaligiran kundi pati na rin sa kalusugan ng mga residente.
Hinihikayat din nila ang pakikiisa ng publiko sa pagpapanatili ng kalinisan sa paligid para matiyak ang ligtas, maayos, at malusog na pamayanan.