PASADO alas siete ng umaga ng Lunes ay sinorpresa ng mga opisyal ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na nag-ala Santa Claus ang ilang motorista na bumabaybay sa kahabaan ng EDSA Cubao sa Quezon City.
Kunwaring sinisita nila ang mga ito dahil sa umano’y paglabag sa batas-trapiko.
Ang motoristang si Noel, at Junjun ay aminadong kinabahan sa biglaang pagsita sa kanila ng MMDA.
“’Yun nga po akala ko kung anong huli. Nagulat po at the same time natuwa po kasi mayroon na kaming pang araw-araw na pagkain, salamat po,” ayon kay Noel, Motorista.
“Akala ko huli na talaga eh, maraming salamat po. Opo, wala pa kasi akong violation eh ngayon lang,” ayon naman kay Junjun, Motorista.
Sinabi naman ni MMDA chairman Romando Artes na ang kanilang ginawang pakulo o sorpresa na gift giving activity sa mga motorista ay bahagi lamang ng kanilang ‘Ticket or Treat’.
Ang nasabing programa ay inisyatiba ni MMDA assistant general manager for operations Assistant Secretary David Angelo Vargas upang pasayahin ang mga motorista ngayong nalalapit na Pasko.
“Ito ay pagbibigay o pagbabalik sa mga motorista natin na sumusunod sa batas trapiko. Ito ay simpleng programa ng MMDA para sa Paskong ito,” pahayag ni Asec. David Angelo Vargas, Assistant General Manager for Operations, MMDA.
Mayroon ding ilang driver na kahit na may violation ay binibigyang konsiderasyon at inaabutan din ng regalo ng MMDA.
“Hindi naman po rason ang Pasko para hindi kami maniket, tuluy-tuloy pa rin po ang implementasyon ng batas pero this time na bukod sa ticket may matatanggap po sila ng kaunting pamasko mula sa partner companies at MMDA,” dagdag ni Vargas.
Sinabi naman ni MMDA chair Artes, nasa 1,000 grocery packs ang kanilang ipamimigay sa linggong ito.
Bukod diyan, namahagi rin ang kanilang mga partner gaya ng kompanyang Joyride ng t-shirt at bottled water sa mga rider.
Habang papalapit na ang Pasko ay pinayuhan naman ni Artes ang publiko na planuhing mabuti ang biyahe dahil inaasahang magtutuluy-tuloy na ang pagbigat ng daloy ng trapiko lalo na sa Biyernes.
Kung saan marami-rami na ang paluwas ng mga probinsiya.