MMDA, tuloy ang pagbabawal sa mga tricycle, e-trike at iba pang light vehicle sa mga pangunahing lansangan

MMDA, tuloy ang pagbabawal sa mga tricycle, e-trike at iba pang light vehicle sa mga pangunahing lansangan

TULOY pa rin na maninita ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa mga tricycle, e-bike at iba pang light vehicle na babagtas sa mga pangunahing lansangan sa Metro Manila.

Tila nabunutan ng tinik si Kuya Ronald nang malaman nitong hindi na muna huhulihin at titiketan ang mga e-bike, e-trike at iba pang light vehicle na dadaan sa national roads.

Isa kasi siya sa mga dumadaan sa national road sa lungsod ng Marikina kada araw para kumuha ng mga pasahero.

“Malaking kawalan sa amin ‘yun, sana ganon na lang magmumulta, ang liit lang ng kita namin, hindi nga kami nakaka-isang libo multa magkano, P2,000 ata impound tuloy na lang na ganito na makakadaan kami na walang tiket at walang multa,” Ronald, Tricycle drayber.

Ang hinaing ng iilan kasama na riyan si Ronald patungkol sa polisiyang ito ng MMDA ay nakaabot kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

Kaya naman suspendido muna ang implementasyon nito.

Sa press conference, araw ng Biyernes, kinumpirma ni MMDA Chairman Romando Artes na natanggap na niya mula sa Palasyo ang utos ng Pangulo.

Tatalima aniya ang MMDA sa naging direktiba nito kaugnay sa e-bike policy.

“Huwag na pong magpumilit ‘yung ating mga kababayan, hindi naalis ‘yung pagbabawal sa pagdaan ng mga ganitong sasakyan sa mga pangunahing lansangan. Ang ipinagbawal lang ng Pangulo ay ‘yung hindi pagtitiket at hindi pag-iimpound, huwag naman natin abusuhin,” ayon kay Atty. Romando Artes, Chairman, MMDA.

Pinaalalahanan ni Artes ang sinumang dadaan pa rin sa national roads na maaari silang pagmultahin kung magpupumilit ang mga ito.

“Kung mag-iinsist ka na, puwede ako dumaan dito, kung mag-iinsist ka may mga batas naman tayong puwede i-apply like disobedience of authority, ‘yung mga ganon, driving without license at disregarding traffic signs,” dagdag ni Artes.

Para kay Artes, sapat na ang isang buwang palugit upang maipaalam sa publiko at mapamilyar nila ang mga bagong patakaran.

Magbibigay rin ang MMDA Chairman ng rekomendasyon sa Pangulo kung ito ba ay kailangan pang palawigin.

Hindi rin babaguhin ang P2,500 na multa sa sinumang mahuhuli upang magtanda.

MMDA, pag-aaralang ipawalang bisa ang ticket ng mga na-impound na tricycle, e-bike at iba pang light vehicle

Pag-aaralan din ng ahensiya kung posible bang kanselahin ang multa ng mga naunang natiketan at na-impound na mga tricycle, e-bike at iba pa sa kanilang isinagawang operasyon nitong mga nakaraang araw.

“Kailangan may dahilan kami para i-cancel ‘yung ticket at isauli itong na-impound. Aaralin po namin kung paano ‘yung mga naisyuhan ng ticket on which bago tayo sinabihan ng Pangulo ay nasa 290 na at 69 na ‘yung impounded,” ayon pa kay Artes.

Asahan sa Mayo 18 ay muling ipatutupad ng MMDA ang full implementation ng nasabing polisiya kung saan muling maniniket at i-impound ang mga light vehicle na dadaan sa national roads.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble