MAY benepisyong alok ang Social Security System (SSS) sa mga tricycle driver ng Marikina City.
Pamamasada lamang ng tricycle ang ipinambubuhay ni Kuya Allan sa kaniyang pamilya.
Hindi rin sapat ang kaniyang kinikita sa lahat ng kanilang pangangailangan sa araw-araw lalo na sa oras na may magkasakit sa kanila.
“Napakahirap kasi kapag nagkasakit kami, ‘yung manganganak ‘yung mga asawa namin, hindi namin alam kung titigil kami sa pamasada ng ilang araw,” ayon kay Allan Real, President, HOMETODAI, Marikina.
Pero, hindi na kailangang mangamba ni Allan dahil ang Social Security System (SSS), mas inilapit pa sa mga Pilipino ang kanilang mga serbisyo.
Isang ceremonial signing ang naganap hapon ng Biyernes sa pagitan ng ahensiya at ng 16 na TODA operators na may higit 1,000 miyembro sa lungsod ng Marikina.
Layunin nitong bigyang importansiya ang tricycle drivers na kabilang sa informal settlers ng mga benepisyo ng SSS.
“Sa oras ng pangangailangan natin, hindi na tayo dapat pang pumunta sa barangay para humingi ng tulong, andiyan ang SSS para bigyan tayo ng benepisyo, hindi ito ibabawas sa retirement. Ito ay libre na binibigay ng SSS para sa kanila,” wika ni Rita Aguja, Senior Vice President, SSS-NCR.
Sa ilalim ng mga programa ng SSS ay maaaring mag-apply ang mga ito bilang self-employed upang makakuha ng iba’t ibang benepisyo.
Kabilang na ang sick leave, maternity leave para sa kanilang mga asawa, death o burial assistance, at iba pa.
“Actually, mayroon silang designated ARN na tinatawag na doon papasok at doon nila mamo-monitor kung may hulog ang isang TODA. Makikita nila, ang aming mga account officers upon monitoring kung updated ang payment ay doon sa numero na ‘yun,” ayon kay Rita Aguja, Senior Vice President, SSS-NCR.
Kaya naman, laking tuwa ni Allan dahil sa benepisyong makukuha niya sa SSS.
“Dahil bibigyan kami ng maternity leave para sa mga asawa namin, pagka nagpahinga sa pagtra-trabaho ay puwede kami magloan,” wika ni Allan Real, President, HOMETODAI, Marikina.