PARA sa Supreme Court, maituturing na may “grave abuse of discretion” ang pag- disqualify ng COMELEC sa Smartmatic sa bidding process para sa 2025 elections.
Matatandaang nagpahayag ng intensiyon ang Smartmatic na makalahok sa bidding para maging service provider sa mangyayaring halalan.
Pero diniskwalipika ito ng COMELEC at ang Smartmatic naghain ng petisyon sa Korte Suprema para kuwestyunin ang legalidad ng pagkaka-diskwalipika sa kanila.
Sa ruling ng SC, sinabi nitong nalabag ng COMELEC ang probisyon ng Government Procurement and Reform Act dahil agad nitong dinis-qualify ang Smartmatic kahit hindi pa ito nakapagsusumite ng bidding requirements.
Bagamat pinanigan ng SC ang petisyon ng Smartmatic, hindi nito ipinawalang-bisa ang naganap na public bidding at pag-award ng kontrata ng COMELEC sa Miru Systems Inc.
Hindi rin pinagbigyan ng SC ang hirit ng Smartmatic na maglabas ng TRO at Writ of Preliminary Injunction.
Pero ayon sa korte, maaaring habulin ng Smartmatic ang COMELEC dahil sa pagkadiskwalipika sa kanila sa bidding process.
“SC is on the cue that Smartmatic will have a right since it’s just a prospective bidder siya kaya di na-issue ang temporary restraining order and writ of preliminary injunction, but it also said that it did not suffer irreparable injury because the injury could have just been loss of profits so there are legal remedies for Smartmatic,” ayon kay Atty. Camille Ting, Spokesperson, Supreme Court.
Sinabi rin nito na maaring sumali sa bidding sa mga susunod na halalan ang Smartmatic dahil limitado lamang sa 2025 election ang hurisdiksiyon ng kaso.
‘Yan ay kung walang maghahain ng disqualification case laban sa kanila.
“The case only pertains or limited itself for the bidding for the 2025 elections, so Smartmatic can still participate (to future bidding) pero subject if may maghain uli ng DQ against them,” dagdag pa ni Ting.
Samantala, wala pang tugon sa ngayon ang COMELEC sa naturang desisyon ng Kataas-Taasang Hukuman.