NAMAHAGI ang pamunuan ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) ng Balik-Eskwela kits sa mga estudyanteng pasahero ngayong unang araw ng face-to-face classes, Agosto 22, 2022.
Ayon kay MRT-3 General Manager Engr. Federico J. Canar, Jr. ito ay munting paraan ng MRT-3 management upang maipakita ang suporta sa mga kabataan sa pagbubukas ng klase.
Nakapaloob sa Balik-Eskwela kits ang facemask, alcohol, tissue at ballpen.
Nagsimula ang pamamahagi ng Balik-Eskwela kits kaninang alas-7 ng umaga at magtatagal ito hanggang sa Biyernes, Agosto 26 para sa mga estudyanteng sasakay sa mga istasyon ng North Avenue, Cubao, Shaw Boulevard, Ayala, at Taft Avenue.
Samantala, makatatanggap ng 20% fare discount ang mga estudyante sa pagbili ng single journey ticket (SJT) sa mga ticketing booth sa istasyon.