NAGDEKLARA ang Muntinlupa City Council ng state of calamity dahil sa pinsalang dulot ng matinding tropikal na Bagyong “Paeng.”
Ayon kay Konsehal Raul Corro, majority floor leader, na nagsagawa ng emergency special session ang mga miyembro ng city council para harapin ang resolusyon.
Ani Corro gagamitin ang 30% quick response fund ng Local Disaster Risk Reduction and Management Fund para sa relief operations at repair at rehabilitation ng imprastraktura at mga ari-arian na nasira ng nasabing bagyo.
Naipasa ang resolusyon matapos iendorso ni Mayor Ruffy Biazon sa Sangguniang Panlungsod ang resolusyon na inaprubahan ng Local Disaster Risk Reduction and Management Council (LDRRMC) na nagrerekomenda ng deklarasyon ng state of calamity sa Muntinlupa.
Samantala nakasaad sa LDRRMC Resolution No. 10 na noong Oktubre 29 at 30, naapektuhan ng “Paeng” ang Muntinlupa City na nagdulot ng pagkaputol ng klase, negosyo, pangisdaan at kuryente dahil sa baha, matinding malakas na ulan at malakas na hangin na umaabot sa 95 hanggang 120 km/h.