NASA 1.7 milyon indibidwal pa lamang ang nakatanggap ng ayuda sa pinansyal mula sa kabuuang 22.9 milyong indibidwal na target ng national government para sa mga apektado ng isinagawang Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa National Capital Region (NCR) at karatig lalawigan nito o NCR Plus.
(BASAHIN: 22.9 million indibidwal sa NCR Plus, makatatanggap ng ECQ ayuda na P1,000)
Aabot sa 1.5 milyon indibidwal ang nabigyan ng tulong sa NCR mula sa target nitong 11.7 million.
Nasa 24,015 sa Bulacan mula sa target na 2.9 milyon, 34,565 sa Cavite mula sa target na 3.4 milyon, 28,564 sa Laguna mula sa target na 2.7 milyon habang 95,197 milyon sa Rizal mula sa target na 2.6 milyon indibibwal.
Inamin naman ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rolando Bautista na naging mabagal ang unang rollout ng ayuda pero matapos ang apat na araw ay mabilis na ang naging distribusyon ng special assistance.
Samantala, tiniyak naman ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na patuloy nilang minomonitor ang pamamahagi ng ayuda sa mga local government unit (LGU) partikular ang mga posibleng matatanggap na reklamo mula sa mga residente.
Sinabi DILG OIC Undersecretary Bernardo Florece na araw-araw nag-iikot ang mga opisyal upang matiyak na walang mangyayaring iregularidad sa distribusyon.
Sa kabilang banda, ayon naman kay MMDA Chairman Benhur Abalos na hindi sapat ang 15 days na palugit ng pamahalaan para sa distribusyon ng ayuda.
Ayon naman kay Pangulong Rodrigo Roa Duterte, naiintindihan naman nito na may pandemyang kinakaharap at hiling ng pangulo na pagsisikapan pa ng mga LGU na bilisan ang distribusyon ng ayuda.