Nagpakalat ng video ni Secretary Roque, posibleng mapanagot sa batas

Nagpakalat ng video ni Secretary Roque, posibleng mapanagot sa batas

MAAARING maharap sa kaso ang nagpakalat ng video ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque na makikitang pinagalitan ng kalihim ang isang grupo ng mga doktor sa ginanap na pagpupulong ng Inter Agency Task Force (IATF) kamakailan.

Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, may pananagutan ang sinumang nagpakalat video ng IATF meetings na aniya ito ay “classified as secret.”

Lumabag sa Data Privacy Act ang nagpakalat ng video ayon kay Roque, dahil isiniwalat nito ang sekreto sa publiko.

Hindi naman masabi ni Roque kung magsasampa rin siya ng kaso dito.

Gayunman, inihayag ng tagapagsalita ng palasyo na ipauubaya na lamang niya ang magiging desisyon at aksyon ng Inter Agency Task Force patungkol dito.

Sa katunayan sambit ni Roque, na napag-usapan na rin ng mga myembro ng IATF ang hinggil sa naturang isyu.

Una nang humingi ng paumanhin ang kalihim kung may na offend man ito sa kanyang pananalita at kinukompirma niyang siya ay naging emotional lamang sa panahong iyon.

Sa nasabing video, pinagalitan ni Roque ang isang grupo ng mga doktor na iginigiit na luwagan na ang quarantine classifications sa buong Metro Manila.

Dinepensahan naman ng palace official ang mga hakbang ng pamahalaan sa patuloy na laban sa nakamamatay na COVID-19.

SMNI NEWS