Roque, humingi ng paumanhin kung may na-offend sa kanyang pananalita sa ginanap na IATF meeting

Roque, humingi ng paumanhin kung may na-offend sa kanyang pananalita sa ginanap na IATF meeting

HUMINGI ng paumanhin si Presidential Spokesman Harry Roque dahil sa naging emosyonal at hindi nakontrol ang kanyang galit sa mga medical doctor na nagpanukala na magpatupad muli ng hard lockdown.

Inamin ni Sec. Harry Roque na naging emosyonal lamang siya matapos marinig ang hirit ng dalawang doktor na magpatupad ng hard lockdown.

Naganap ang insidente sa isang pagpupulong ng Inter-Agency Task Force (IATF).

‘’Nagalit po talaga ako dahil sa tingin ko panahon na po na marinig ang inyong boses, ng IATF, tama na po ang lockdown, magtatagal talaga ang COVID hindi lang sa Pilipinas kundi sa buong daigdaig,’’ayon kay Sec. Harry Roque.

Ito ang paliwanag ni Presidential Spokesperson Harry Roque sa isang pulong balitaan.

Mababatid na nag-leak ang video ng ginawang pagpupulong ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID).

“Unang-una po classified as secret ang mga pagpupulong ng IATF bakit po? Kasi lahat ng desisyon ng IATF makakaapekto sa lahat ng Pilipino ke mayaman, ke mahirap. Kinakailangan talaga magkaroon ng debate dahil kung wala po talagang debate eh baka mamaya hindi makagawa ng tamang desisyon ang IATF. Ganunpaman, lumabas na po yan,’’ayon kay Roque.

Sa naturang IATF meeting, naging emosyonal ang takbo ng pagpupulong.

Kwento ni Roque, may rekomendasyon ang dalawang doktor na magpatupad ng hard ECQ lockdown.

Sinasabing sinagot lamang ng kalihim si Dr. Maricar Limpin, Presidente ng Philippine College of Physicians, na hinikayat ang pamahalaan na huwag paluwagin ang quarantine status sa Metro Manila.

‘’Unang-una po, kinukumpirma ko po na tayo po’y naging emosyonal at pasensiya naman po kayo at tao lamang. Doon sa rekomendasyon ng dalawang doktor, si Dr. Limpin at Dr. Dans, na mag-impose ng hard ECQ lockdown. At naging emosyanal din po si Dra. Limpin at napaiyak, dun po ako naging emosyonal,’’dagdag nito.

Sa naturang rekomendasyon, ipinunto ng kalihim na hindi maipatutupad ng pamahalaan ang hiling ng dalawang doktor na magkaroon ng hard lockdown dahil mahalaga rin aniya na marinig ang damdamin ng ordinaryong mamamayan na nagugutom na dahil sa palagiang lockdown.

“Hindi po tamad ang mga Pilipino hindi sila umaasa sa ayuda handa sila magtrabaho, bigyan lang natin sila ng pagkakataon magtrabaho. Alam po natin na maraming namamatay at mamamatay sa COVID pero nandyan ang realidad na sa Metro Manila halos kalahati na rin po ang ating nabakunahan,”ayon kay Roque.

Giit pa ni Roque, bakit pa kailangang magpatupad uli ng hard lockdown, samantalang kaya pinabibilis ang proseso ng pagbabakuna kontra COVID-19, ay upang makapagbukas na ng ekonomiya at magkaroon ng mas maraming trabaho ang mamamayan.

Nilinaw naman ng Palace official na ang hindi pagsang-ayon sa hard lockdown, ay hindi ibig sabihin na hindi na ito concerned sa mga nagkakasakit.

‘’Lahat tayo nagkaroon ng kamag-anak, ng kaibigan na namatay at nagkasakit sa COVID, lahat tayo napaiyak na rin po sa trahedya na sumalanta hindi lang sa Pilipinas kundi sa buong mundo. Ang pakiusap ko lang po ‘wag po natin isipin na ang mga desisyon ay parang clinical decision lamang. Ito ay nakakaapekto sa buhay lalung lalo na ng mga nagugutom ang naghihirap na Pilipino,’’ayon kay Roque.

Nais lamang aniya ng pamahalaan na subukang mabalanse ang pagbawas ng numero ng kaso ng COVID-19 at ang pagbibigay ng pagkakataon na makapaghanap-buhay ang taong bayan.

Gayunpaman, humingi ng paumanhin si Roque kung may na-offend man ito sa kanyang pananalita sa ginanap na IATF meeting.

‘’Kung meron akong na offend sa aking pananalita, well humihingi po ako ng abiso, pero kinakailangan na pong pakinggan natin ang boses ng mga hindi naririnig sa IATF, ang hanay ng naghihirap at nagugutom,’’dagdag nito.

SMNI NEWS