NAG-iimbestiga na ang National Security Council (NSC) sa ulat na dumaraming mga Chinese college na umano’y nag-enroll sa isang local private school sa Cagayan.
Ito ay upang matukoy kung ang kanilang presensiya ay isang banta sa seguridad.
Ayon kay Jonathan Malaya, assistant director ng NSC, ang kanilang intelligence units ay inatasang suriin ang sitwasyon sa Cagayan upang alamin kung ito ba ay tunay na banta sa pambansang seguridad, o simpleng kaso lamang ng mga estudyanteng nagnanais mag-aral sa Pilipinas.
Binanggit ni Malaya na maraming isyu ang kanilang kinakaharap dito, kabilang na ang hindi magkakaparehong bilang sa ulat ng Bureau of Immigration (BI) at mga ulat ng intelligence.
Ayon sa BI, mayroon lamang 100 Chinese students, ngunit ayon sa mga ulat ng intelligence ay aabot ito sa libu-libo.
Samantala, sa eksklusibong panayam ng SMNI News kay Cagayan Gov. Manuel Mamba, inihayag nito na wala siyang nakikitang banta mula sa Chinese students.
Aniya, ang intelligence community ang makapagsasabi kung banta nga ba ang mga ito sa seguridad sa bansa.
Matataandan din na una nang iginiit ng Chinese Embassy na ang walang batayang akusasyon sa educational exchanges ng Tsina at Pilipinas ay isa pang malisyosong paraan upang mag-udyok ng paghinala at pagkamuhi sa China.
Ayon sa embahada, may mga indibidwal na politiko sa Pilipinas ang nagpapalaki sa isyu ng maritime differences sa ngalan ng pambansang seguridad, upang magamit sa kanilang pampulitikang agenda at pansariling interes para pahinain ang kooperasyon ng dalawang bansa.