MULA sa 178 nitong Miyerkules, umakyat na sa 224 ang naiulat na nasawi hanggang ngayong Huwebes bunsod ng pananalasa ng Bagyong Agaton kamakailan.
Base sa 8AM report ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), ang lahat ng bagong naitalang nasawi ay nagmula sa Eastern Visayas na may kabuuang 202 na.
Nasa 17 naman sa naitalang nasawi ay mula sa Western Visayas, 3 ay mula sa Davao at 2 ay mula sa Central Visayas.
Sa kabilang banda, pumalo na sa 147 ang naiulat na nawawala mula sa dating 111 habang ang nanatili sa walo ang bilang ng mga nasugatan.
Gayunpaman, sinabi ng NDRRMC na 18 deaths, 7 nawawala at 6 na sugatan pa lamang ang nakumpirma sa ngayon.
Samantala, kabuuang 2,081,011 katao o 599,956 pamilya ang apektado ng bagyo sa 2,421 barangays sa Bicol, Western Visayas, central Visayas, Eastern Visayas, Northern Mindanao, Davao, SOCCSKSARGEN, Caraga, at Bangsamoro.
Sa nasabing bilang, 109,518 katao o 29,911 pamilya ang nananatili sa 447 evacuation centers.