INIHAYAG ni Philippine National Police (PNP) chief PGen. Benjamin Acorda, Jr. na malayo na ang narating ng Special Action Force (SAF), kaya naman naniniwala ito na sa tulong ng SAF ay maibabalik pa ang tiwala ng mamamayang Pilipino sa kapulisan.
Taong 1983 nang itinatag ni dating Pangulong Fidel V. Ramos ang SAF.
Ang SAF ay isang elite unit at primary maneuver force ng PNP.
Binuo ito sa layuning masiguro ang seguridad ng mamamayan sa pamamagitan ng kanilang counter insurgency at counter terrorism operation.
Matapos ang 4 na dekada heto at malayo na ang narating ng SAF, sa ika-40 taong anibersaryo nito ibinida ng PNP-SAF sa loob ng National Capital Region Office (NCRPO) sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City ang kanilang kakayahan sa pagresponde sa panahon ng pangangailangan.
Partikular na ang pagsalakay sa kampo ng mga masasamang loob at ang pagresponde sa hostage taking incident.
Maliban dito, ipinakita rin ng PNP-SAF ang kanilang mga kagamitang pandigma gaya ng mga tangke, matataas na kalibre ng baril, manpower, at marami pang iba.
Ang nasabing aktibidad ay pinangunahan ni PGen. Acorda, kasama ang mga matataas na opisyal ng PNP.
Ayon kay Acorda, malaki na ang pinagbago ng SAF at ito’y hinahangaan hindi lang dito sa Pilipinas kundi maging sa ibang bansa.
Sa huli, hinimok ni Acorda ang buong hanay ng SAF na patuloy na magtulungan at magkaisa upang pagkatiwalaan ng mamamayang Pilipino.
Muling binigyang-diin ni Acorda na bilang ama ng PNP ay kaniyang ibabalik ang tiwala ng mamamayang Pilipino at isa sa tutulong sa kaniya na makamit ito ay ang SAF ng PNP.