KINUMPIRMA ng isang opisyal ng ruling party PDP-Laban na ang Go-Duterte tandem ang kanilang pambato sa 2022 national elections.
Ito ang tandem nina Senator Bong Go bilang Presidential candidate at Pangulong Rodrigo Duterte bilang Vice-presidential candidate.
“Tamang-tama po yung kumbinasyon dito. They will be riding on the tapang and malasakit po na kampanya. Tapang ng ating Pangulo at Malasakit po ng ating Senator Bong Go na siya po ang nagtatag ng mga malasakit center centers po. Doon po siya nakilala,”ayon kay Atty. Melvin Matibag, Secretary General, PDP-Laban.
Pero nilinaw ni Matibag na pa-aaprubahan pa sa buong partido ang rekomendasyon ng National Executive Council.
“Pero ito po ay dadaan pa rin sa proseso at sa November 8 we will have our national convention. Kung ito po ang mapagkasunduan ng mayorya ng PDP-Laban during that convention eh yun po ang magiging standard bearer ng PDP-laban po,” dagdag ni Atty. Melvin Matibag.
Pero ayon kay Senator Bong Go na ipinauubaya niya sa Panginoon at sa pamilya Duterte kung ano ang kahihinatnan nito sa 2022.
“But, as I have said many times before, I leave my fate to God, to the Dutertes (kay Pangulong Rodrigo Duterte at Mayor Sara Duterte) kung ano man po ang kanilang magiging desisyon sa pulitika and to the Filipino people to whom I owe this opportunity to serve our country,”ayon kay Sen. Bong Go.