NANANATILING tikom ang bibig ng National Bureau of Investigation (NBI) kaugnay sa kanilang hiwalay na pagsisiyasat sa pagkakapatay sa radio broadcaster na si Percival Mabasa alyas Percy Lapid.
Sinabi ni NBI Public Information Office Chief, Nicanor Suarez na sa kasalukuyan ay wala pa muna silang mailalabas na update o inisyal man lamang na resulta ng kanilang parallel investigation.
Magugunitang October 5 sinimulan ng NBI ang sarili nilang imbestigasyon matapos silang atasan ng Department of Justice na alamin ang motibo at mga sangkot sa pagpatay kay Lapid.
Sa pagsisimula ay nagtungo ang mga ahente ng NBI sa burol sa Manila Memorial Park sa Parañaque City at nakipagkita sa naulilang asawa ng mamamahayag para kunin ang ilang mga mahahalagang detalye bago paslangin si Lapid.
Samantala inilabas na ng Philippine National National Police ang larawan ng person of interest na posible umanong gunman o namaril sa broadcaster.