NANINIWALA si National Bureau of Investigation Director (NBI), Jaime Santiago na biro lang ang sinabi ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa Proclamation Rally ng PDP-Laban na papatayin ang 15 na senador.
“Yung mga style ni Presidente Digong na ganun na puro patay na puro patay ay dati ‘yun, kumbaga sa ano, alam nyo ang mga tao kumbaga sa antibiotic, na-immune na sa kaka-ganun, kaka-ganun, ‘yun ay hindi na kakagatin ‘yun, wala nang naniniwala palagay ko,” pahayag ni Jaime Santiago, NBI Director.
Nilinaw ni Santiago na ang kanilang pangunahing hurisdiksiyon para isagawa ang moto proprio sa imbestigasyon ay kung may banta sa Presidente, Bise Presidente, Senate President, Speaker of the House, at Chief Justice.
Kasunod ito ng mga panawagan sa ahensiya na imbestigahan ang naging pahayag ng dating pangulo na patayin na lang aniya ang 15 senador sa isang proclamation rally ng PDP-Laban.
Kaugnay niyan, kinuwestiyon din ni Santiago kung bakit ang mga nagrereklamo hinggil sa mga birong pahayag ng dating pangulo ay ang mga hindi naman sangkot, gaya ng mga nasa Kongreso.
Sabi rin ni Santiago, magsasagawa lamang sila ng imbestigasyon kung may senador na lumapit sa kanilang tanggapan para magreklamo kaugnay sa naging pahayag ni Duterte.
Iyon nga lamang, wala namang binanggit na pangalan ang dating pangulo kung sinong senador ang dapat patayin.
“Tsaka tingnan nyo hindi naman sinabi kung sino sa labinglimang senador ang papatayin, sino ba ‘yung labinglima na ‘iyon? ‘Yun bang nakaupo? O ‘yung tatakbo? Tsaka kung hindi ba naman talagang lokohan lang, meron ba naman porke’t may namatay na senador, automatic ‘yung kandidato, mga senador ni Presidente Digong ‘iyon na ang papasok?” ayon pa kay Santiago.
Matatandaan sa PDP-Laban Proclamation Rally nitong Pebrero 13, sinabi ni Duterte na makakakuha ng upuan sa Senado ang kanilang mga kandidato kung papatay sila ng 15 senador.
Noong Pebrero 17, naghain ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng reklamo sa Department of Justice para sa case build-up dahil sa unlawful utterances at inciting to sedition laban kay dating Pangulong Duterte.
Follow SMNI News on Rumble