WALANG sasantuhin ang National Capital Region Police Office (NCRPO) na mga quarantine violator ayon kay PmGen. Vicente Danao Jr.
Hindi magdadalawang isip ang General na bigyan ng kaukulang parusa ang mga quarantine violator na lalabag sa quarantine guidelines ngayong tumataas ang kaso ng COVID-19.
‘’Kahit sino..mapa heneral ka man…charges will be filed against you,’’ayon kay General Danao.
Lalo pa’t patuloy ang pagtaas ng kaso nito sa bansa, walang sasantuhin ito sa mga lalabag sa quarantine guidelines na ipinatutupad laban sa COVID-19.
Bagay aniya na hindi dapat balewalain dahil sa mabilis na pagkalat nito sa tao.
Kaya naman, walang patid ngayon ang PNP sa pagpapakalat ng mga tauhan nito sa mga pampublikong lugar, establisyemento at hotel upang matiyak na walang makalulusot na pasaway ngayong panahon ng pandemiya.
Ito rin aniya ang dahilan ng tumatagal na laban ng pamahalaan kontra COVID-19.
Sa kabilang banda, pabor si General Danao sa desisyon ng Department of Tourism at LGU ng Makati City sa pagsasampa ng kaso, at pagpapasara sa Berjaya hotel kung saan nangyari ang insidente ng pagtakas ng tinaguriang poblacion girl na si Gwenyth Chua matapos itong napag-alaman na nakipag party imbes na kumpletuhin nito ang kanyang mandatory quarantine.
Sa ngayon, tig-dalawang police personnel ang itinalaga ng NCRPO sa mga Q-Hotels sa Metro Manila para sa paghihigpit laban sa banta ng COVID-19
‘’Mag-additional forces din po…this will last until bumaba ang infection sa bansa natin,’’dagdag nito.