PINALAGAN ang pahayag ni Father Nicanor Austriaco na ang Omicron variant na ang umpisa ng katapusan ng pandemya.
Nagpahayag ng pagtutol ang mga eksperto hinggil sa kasunod ng pahayag ng isang molecular biologist na ang Omicron na ang simula ng katapusan ng COVID-19 pandemic.
Anila, mahirap sabihin ang mga katagang ito.
Umani ng iba’t-ibang reaksyon mula sa mga eksperto ang binitiwang salita ni Austriaco patungkol sa paglaganap ng Omicron variant.
Mahirap sabihing umpisa na ng katapusan ng pandemya ang pag-usbong ngayon ng Omicron variant.
Ito ang reaksyon ng ilang eksperto sa naging pahayag ni molecular biologist Father Nicanor Austriaco na maituturing na blessing umano ang Omicron variant, na pagkalipas aniya ng isang buwan ay makakamit na ang population protection.
“We have to realize that Omicron is the beginning of an end of the pandemic because Omicron is going to provide the kind of population immunity that should stabilize our societies and should allow us to reopen after Omicron has begun. This is the hope and prayer, Omicron is actually a blessing, it will be hard for one month but afterwards, it should be a blessing because it should provide the population protection that we need everywhere,”ayon kay Austriaco.
Tugon dito ni Dr. Anna lisa Ong-Lim, miyembro ng technical advisory group ng Department of Health na sana magdilang anghel aniya si Fr. Austriaco, subalit, pinakamainam pa ring gawin ng lahat ang pag-iingat at iwasang mahawaan ng Coronavirus.
‘’Unfortunately, hindi pa natin masasabi ‘no with certainty na ito na nga ang katapusan ng Covid. Sana ‘no, sana totoo, sana magdilang-anghel si father pero siguro mas maganda pa ring maging maingat, huwag sadyaing magpahawa on the assumption na hindi na mahahawaan ulit ng iba pa at ipagpatuloy ang pag-iingat,’’ayon kay Dr. Anna lisa Ong-Lim.
May binanggit din si Dr. Ong-Lim patungkol sa isang pag-aaral na marahil pinagbabasehan ni Father Austriaco sa kanyang naging statement.
‘’Siguro iyong pinagmulan po ng statement ni Father Austriaco is iyong study na nagpapakita na iyong mga taong nagkaroon ng Omicron, iyong kanilang antibodies ay may bisa laban doon sa Delta viruses in the laboratory. Pero walang definite proof na pati doon sa ibang klaseng variants of concern ay ganoon din ang inaasahan nating Makita,’’dagdag nito.
Sa kabilang banda, sinabi naman ni Infectious Disease expert Dr. Edsel Salvana na hindi bakuna ang Omicron, kundi isang virus na pupuwede pa ring makalikha ng malaking pinsala.
‘’Ang Omicron po ay virus, hindi po siya bakuna at hindi katulad noong mga bakuna natin na very safe and hindi naman nakakahawa ng ibang tao, itong Omicron po, puwede pa rin pong magdulot nang malaking pinsala,’’ayon kay Dr. Salvana.
‘’And of course, nakita naman natin tuluy-tuloy na ginugulat po talaga tayo nitong Covid, mahirap ho talagang magsabi na ‘beginning of the end’. If there is one thing constant about COVID-19 and the Sars Cov-2 virus is that it has surprised us time and again,’’dagdag nito.
Kaya ani Salvana, hindi dapat magpakampante ang publiko sa gitna ng pagkalat ng Omicron variant dahil napaka-‘unpredictable’ talaga aniya ang COVID-19.
Samantala, nagbigay din ng pahayag ang pamunuan ng Department of Health patungkol sa naturang statement ni Father Nicanor Austriaco.
Ani DOH Spokesperson undersecretary Maria Rosario Vergeire, kailangang maintindihan ang sitwasyon ngayon na mas marami ang nahahawa ng COVID-19 kaya importante parin na agarang mag-isolate kapag nakaramdam ng sintomas.
‘’Mas maraming infections, mas marami pong tiyansa ang virus na magkaroon ng replication which is their cycle ano at nakakapag-reproduce po sila at ang pinakaimportante, mas nagkakaroon ng tsansa ang virus na mag-mutate. So kailangan pigilan po natin ang ganitong kadaming impeksiyon para po hindi tayo magkaroon ng further mutations nitong virus na ito which can lead to more fatal outcomes,’’ayon kay Usec. Vergeire.
Paalala pa ni vergeire….
‘’Huwag ho tayong magpapahawa dahil po sa statements na ganito. Hindi po ganiyan ang direksiyon ng ating response ditto,’’dagdag nito.
Una nang inihayag ng World Health Organization (WHO) na hindi dapat nagkakamali na tawagin ang Omicron na ‘mild’.
Ito’y dahil bagama’t kung fully vaccinated, mababa ang tsansa na mamatay at magkaroon ng severe case, batid naman ng lahat na mayroon pa ring mga indibidwal na hindi bakunado o kung bakunado man, nasa vulnerable population ang mga ito.
Walang sawa naman o patuloy na nagpapaalala ang pamahalaan maging ang mga health at infectious disease expert na huwag maging kampante.
Hinikayat din ng mga ito ang lahat na magpabakuna at patuloy na sundin ang minimum health standards laban sa COVID-19.