‘No-contact apprehension policy’, may problema at dapat na maresolba – transport group

‘No-contact apprehension policy’, may problema at dapat na maresolba – transport group

IGINIIT ng ilang transport group na mayroong problema sa ‘no contact apprehension policy’ (NCAP) ng pamahalaan kung kaya’t dapat na itong maresolba.

Umaapela ngayon ang Liga ng Transportasyon at Operator ng Pilipinas (LTOP) sa Mababang Kapulungan na resolbahin ang problemang idinudulot ng pagpatutupad ng NCAP sa sektor ng transportasyon.

Nanindigan si Orlando Marquez, National President ng LTOP, na dapat nang aksyunan ng Kongreso ang NCAP ng pamahalaan.

Kasunod ito ng kanilang reklamo na sumusobra na ang mga ahensiya ng pamahalaan at ibang LGU sa pagpapataw ng penalty sa mga operator o drayber na lumalabag sa batas trapiko.

Mababatid na nasa P500 para sa 1st offense ang penalty na ipinapataw ng mga ahensiya ng pamahalaan sa mga lumalabag na motorista, kaso triple naman ang multa na ipinapataw ng mga LGU na aabot P2,000.

Kung kaya’t, hindi malinaw ang guidelines ng NCAP dahil magkaiba ang multa ng Land Transportation Office (LTO), Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) kumpara sa mga local government unit (LGUs).

Naniniwala rin si Marquez na ginagawang negosyo lang ng mga LGU ang pagpatutupad ng NCAP.

Giit nito, malinaw na 60/40 ang hatian, kung saan 60% ay mapupunta sa pribadong sektor na gumawa at nagkakabit ng mga NCAP camera habang 40% ay mapupunta sa LGU na siyang gumawa ng ordinansa.

Kung siya ang tatanungin, panahon na upang ipatawag ng Kongreso ang mga LGU upang matigil ang umanoy negosyo, dahil malaking pahirap sa kanila bilang operator.

At apela rin nito sa Mababang Kapulungan na gawing ganap na batas na ang NCAP upang maging gabay sa tamang pagpatutupad nito.

Habang suportado rin nito ang suhestiyon ng LTO na isuspinde muna ang NCAP, kaso tila hindi ito sinang-ayunan ng mga LGU.

Umaasa naman ang transport group na mamadaliin ng Kongreso ang pag-aksyon sa kanilang kahilingan dahil lubhang apektado ang mga operator na siyang nagbabayad ng multa ng mga drayber na gumagamit sa kanilang mga unit.

Follow SMNI News on Twitter