WALANG katotohanan na hindi makatatanggap ng cash aid ang mga indibidwal na hindi pa nabakunahan kontra COVID-19 sa ilalim ng Enhanced Community Quarantine (ECQ).
Sa isang ceremonial event ng COVID-19 Task Force, tinawag ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairperson Benhur Abalos na “fake news” ang naturang impormasyon.
Binatikos din ni Abalos ang mga nasa likod ng maling impormasyon matapos mag-panic ang maraming tao at dumagsa sa mga vaccination sites sa Metro Manila kaninang umaga.
Nakatanggap aniya siya ng mga report ng naturang insidente sa Maynila, Masinag sa Antipolo City at Las Piñas.
Nagbabala naman ang MMDA Chairman sa mga nasa likod ng fake news na iniimbestigahan na sila ng National Bureau of Investigation (NBI) at pananagutin kapag nahuli.
Sa pagpatutupad ng ECQ sa Metro Manila na magsisimula bukas, makatatanggap ang mga low income residents ng P1,000 hanggang P4,000 cash aid.